Nasawi ang isang 59-anyos na lalaki matapos siyang magulungan ng truck sa Barangay Pasong Putik, Quezon City. Ang driver ng truck, natunton matapos maplakahan ang kaniyang sasakyan.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV footage ang pag-abante ng truck sa nabanggit na lugar.
Ngunit ilang saglit lang, nakahandusay na sa kalsada ang biktima, na isugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival. Pero ang truck, nakaalis.
Bago ang trahediya, nakita ang biktima na naglalakad ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng aksidente.
Sinabi ng pulisya na ayon sa pamilya ng biktima, umalis ang lalaki para mag-withdraw. Wala itong dalang cellphone kaya hindi nila alam kung nasaan siya noong mga sandaling iyon.
Sa tulong ng iba pang kuha ng CCTV, natukoy ng pulisya ang plate number ng truck at natunton ang garahe nito sa Antipolo City sa ikinasang follow-up operation.
Sinabi ng pulisya na galing sa Bulacan ang truck at magde-deliver ng concrete material sa Quezon City. Huminto lang umano sandali sa lugar ang driver at pahinante para kumain.
“‘Yung truck kasi ay naka-park sa isang portion ng Belfast Avenue. ‘Pag move niya forward, nakita na ang biktima ay nagulungan at agad na tinakbo sa hospital. Ongoing pa rin ‘yung investigation namin kung ano eksaktong nangyari, paano siya napunta [sa ilalim], paano siya nagulungan,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Geoffrey Lim, hepe ng Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit.
Dinakip at dinala sa QCPD Traffic Sector 2 ang 26-anyos na truck driver na napag-alaman na mayroon mga dating record gaya ng violation of quarantine protocol, at reckless imprudence resulting in damage to property noong 2021.
Sinampahan naman ngayon ng driver ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide. Hindi siya nagbigay ng pahayag. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
