Nagtapos na ang laban ni Alex Eala sa US Open matapos matalo kay Cristina Bucsa ng Spain sa second-round ng torneo kaninang madaling araw (Philippine time) sa Flushing Meadows, New York. Gayunman, may matatanggap pa ring premyo ang Pinay tennis star.

Namayani ang mas may karanasan na si Bucsa, 27-anyos, sa iskor na 6-4, 6-3, upang umusad sa ikatlong round.

Ito na ang pinakamalayong naabot ni Bucsa sa kaniyang ika-limang pagsabak sa US Open.

Habang una ito kay Eala, 20-anyos, at kauna-unahang Filipino tennis player na sumabak at nakapagtala ng panalo sa unang round laban kay Clara Tauson ng Denmark.

BASAHIN: Alex Eala, wagi sa nakapigil-hiningang laban vs Clara Tauson sa US Open

Hihintayin naman kung sino ang mananalo sa laban nina Elise Mertens ng Belgium at Lulu Sun ng New Zealand, para sa sunod na makakaharap ni Bucsa sa third round.

Samantala, kahit nagtapos na ang laban ni Eala sa 2025 US Open, makatatanggap naman siya ng premyong USD 154,000 dahil sa pag-abot niya sa second round, batay sa listahan ng US Open website.

Makatutulong din ang panalo niya sa first round para mapataas ang kasalukuyan niyang world ranking na no. 75.

Noong June, tumaas sa no. 56 ang ranking ni Eala na kaniyang career-high sa ngayon. — mula sa ulat ni Bea Micaller/FRJ GMA Integrated News