Sinabi ng boxing icon at dating senador na si Manny Pacquiao na interesado si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa gaganaping selebrasyon ng 50th anniversary ng "Thrilla in Manila" sa Oktubre.
"Pinresent natin 'yung celebration ng Thrilla in Manila, anniversary ng Thrilla in Manila. So we asked his support at saka sa lahat ng ahensya ng gobyerno para i-celebrate itong 50th anniversary ng Thrilla in Manila," saad ni Pacquiao sa mga mamamahayag nang mag- courtesy call siya kay Marcos sa Malacañang Palace nitong Huwebes.
"Yes, manood siya, interesadong-interesado siya sa concept na 'yon at ito ay magaganap sa October 29," dagdag ng dating senador.
Hindi nagbigay ng ibang detalye si Pacquiao kung ano ang aasahan sa naturang anibersaryo ng Thrilla in Manila.
Nangyari ang orihinal na "Thrilla in Manila" sa Araneta Coliseum noong 1975, kung saan naglaban sa heavyweight division ang mga boxing legend na ngayon na sina Muhammad Ali at Joe Frazier.
Nakaupong pangulo ng bansa nang taong iyon ang ama ni Marcos na si Marcos Sr.
Sa naturang laban, nanalo si Ali via technical knockout.
Samantala, kasalukuyang rated No. 1 contender si Pacquaio sa welterweight division matapos ang majority draw na laban nito noong nakaraang buwan kontra sa kasalukuyang kampeon na si Mario Barrios. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News

