Pinalagan ng alkalde ng San Mateo, Rizal na sa kanilang landfill itambak ang mga basura na galing sa Maynila natapos na magsara ang sanitary landfill sa Navotas na dating tinatapunan ng mga basura mula sa kabisera ng bansa.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing tumanggi muna si San Mateo, Rizal Mayor Bartolome Rivera, Jr., na humarap sa camera para sa panayam pero naglabas ito ng pahayag upang ipaalam na ikinabigla niya ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na sa kanilang landfill na itatapon ang mga basura ng Maynila.
“...Ang (Munisipyo ng San Mateo) ay nagulat sa naging pahayag ni Mayor Isko Moreno ng Maynila…hinggil sa paglipat ng tambakan ng basura ng lungsod ng Maynila sa New San Mateo Sanitary Landfill (NSMSLF),” ani Rivera.
“Ang hakbang na iyan ay walang naging konsultasyon o paunang abiso man lamang sa ating lokal na pamahalaan,” dagdag ng alkalde, na kasamang pinuna ang Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ayon pa kay Rivera, itinayo umano ang landfill sa San Mateo bilang alternatibong tapunan ng basura sakiling itigil na ang operasyon ng landfill sa Rodriguez, Rizal.
“Hindi ito (landfill ng San Mateo) nakadisenyo para tanggapin ang malalaking volume ng basura mula sa mga malalaking siyudad ng Metro Manila,” giit ni Rivera.
Bukod sa pangambang mapuno agad ng mga basura ang kanilang landfill, ikinababahala rin ni Rivera ang magiging problema sa kanila ng trapiko dahil sa mga truck ng basura na pupunta sa kanilang bayan, kasama na rin ang usapin tungkol sa banta sa kalusugan.
Iginiit naman ng MMDA na mayroon silang koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng San Mateo, at nagtatapon na rin doon ng mga basura ang ilang lungsod.
“It's just a matter of communication dahil hindi lang siguro namin nasabi agad kay Mayor Omie na may additional volume na dadalhin sa San Mateo landfill. Again its within ECC [Environmental Compliance Certificate] and the volume capacity allowed under the law,” ayon kay MMDA chairperson Romando Artes.
Inihayag naman ni Moreno na sinikap nilang maghanap ng ibang mapagdadalhan ng basura ng Maynila pero lubhang maigsi na umano ang kanilang panahon.
“Due to lack of material time, dahil dalawang buwan pa lang akong mayor, we created in two weeks time our own small transfer station and we required our private partners to buy new hauling truck so that those dump trucks, compactor na ginagamit sa Maynila for daily collection of garbage na magamit para dalhin sa San Mateo,” anang alkalde.
Ayon sa MMDA, kakausapin ni Rivera para muling talakayin ang naturang usapin.—FRJ GMA Integrated News
