Naaresto na ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa isang lalaki na nakitang nakagapos at duguan sa kuwarto ng isang hotel sa Cubao. Quezon City. Ang naturang suspek, nobyo ng biktima.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naaresto ang naturang suspek nang magpadala ito ng text message sa isang kaibigan ng biktima at humingi ng P4,000 para matubos ang motorsiklo na ginamit ng biktima na kanilang tinangay.

Ang naturang kaibigan ng biktima ang may-ari ng motorsiklo.

Ayon sa kaibigan, nag-text sa kaniya ang biktima noong Miyerkules at nanghiram ng pera na ipambibili ng mga gamit.

Pero muli umanong nag-text sa kaniya ang numero nitong Biyernes kahit patay na ang biktima na nadiskubre ang bangkay nitong Huwebes ng gabi sa hotel, at nanghihingi ng P4,000 para matubos ang kaniyang motorsiklo.

Dito na nakipag-ugnayan ang kaibigan sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, pero inamin umano nito sa pulisya na apat na buwan na silang magkarelasyon ng biktima.

Ayon pa kay Police Major Jennifer Gannaban, QCPD, PIO Chief, nakita rin ng mga saksi ang mukha ng suspek at nakuha ang kaniyang pangalan dahil sa iniwang ID nang mag-check in sila sa hotel.

Miyerkules ng gabi nang mag-check in ang biktima sa hotel. Matapos ang 24 oras, kinatok na sila ng kawani ng hotel.

“Lapse na sila sa oras nila, kinatok sila ng roomboy. Nu’ng hindi nagre-response, ginamitan po ng master key. At doon niya natagpuan na wala na pong buhay,” sabi ni Lieutenant Jaevon Ulysses Marigondon, hepe ng Cubao Police Investigation and Detective Management Unit.

Nadatnan ng pulisya na nagkalat ang mga gamit sa kuwarto at may drug paraphernalia rin sa kama.

Ayon kay Gannaban, inamin umano ng suspek na madalas silang mag-check-in sa naturang hotel at gumagamit sila doon ng ilegal na droga.

Sinabi rin umano ng suspek na ang kasama niya na hinahanap pa ng mga awtoridad ang gumawa ng lahat ng krimen, kabilang ang pagpatay sa biktima.

Bukod sa motorsiklo, tinangay din ng mga suspek ang iba pang mga gamit ng biktima.

Patuloy ang paghahanap sa mga suspek na posibleng dalawa pa umano.—FRJ GMA Integrated News