Inilatag ng Pinoy boxing icon at dating Senador Manny Pacquiao ng MP Promotions ang lineup ng sagupaan sa niluluto niyang 50th anniversary ng “Thrilla in Manila” sa darating na October 29 sa Araneta Coliseum. Kasama sa listahan ng mga posibleng mapanood ng Pinoy boxing fans ang apo ni Muhammad Ali.
Pangunahing tampok sa line-up ang bakbakan para sa world title ng defending WBC minimumweight champion na si Melvin Jerusalem kontra kay Siyakholwa Kuse.
Magiging co-main event naman ang dating world featherweight champion na si Mark Magsayo at Michael Magnesi para sa super featherweight title eliminator.
Sa undercard, masisilayan ng Pinoy boxing fans ang lakas ng suntok ng apo ni Muhammad Ali na si Nico Ali Walsh.
Nagsimula ang professional boxing career si Nico noong Agosto 2021. Ngayon, mayroon siyang fight record na 12 panalo (5 via KOs), at dalawang talo. Huli siyang lumaban nitong nakaraang Mayo na nakapagtala siya ng panalo via majority decision.
Kasama rin sa undercard ang wala pang talo na sina Carl Jammes Martin at Weljon Mindoro, at ang Filipino Olympic bronze medalist na si Eumir Marcial, at marami pang iba.
Taong 1975 nang mangyari ang orihinal at makasaysayang “Thrilla in Manila” nang maglaban sa ibabaw ng ring sina Muhammad Ali at Joe Frazier. Nangyari ito sa panahon na presidente ang ama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, na si Marcos Sr.
Kamakailan lang, nagtungo sa Malacanang si Pacquiao para mag-courtesy call sa pangulo at hingin ang suporta nito sa idaraos na event para sa paggunita ng 50th year anniversary ng “Thrilla in Manila.”
Ayon kay Pacquiao, interesado umano ang pangulo sa naturang event. — mula sa ulat ni JM Siasat/FRJ GMA Integrated News

