Isang estudyanteng 10-taong-gulang ang tinamaan ng bala sa likod nang dapaan niya upang protektahan ang kapuwa mas batang estudyante nang mangyari ang pamamaril sa loob ng simbahan habang nagmimisa sa isang Catholic school sa Minneapolis, Minnesota, USA.
Iniulat ng Reuters na sa likod ng karumal-dumal na krimen, ay ang mga kuwento ng mga kabayanihan sa naturang trahediya sa Annunciation Catholic Church, gaya ng ginawa ng estudyanteng 10-taong-gulang.
Ayon sa county health officials, nagtamo ng tama ng bala sa likod mula sa shotgun ang bata upang protektahan ang kapuwa niya batang mag-aaral.
"There's a lot of maybe unrecognized heroes in this event, along with the children that were protecting other children," sabi ni Martin Scheerer, director sa Hennepin Emergency Medical Services.
Sabi pa niya, "The teachers were getting shot at. They were protecting the kids."
Dalawang bata ang nasawi sa naturang pamamaril, at 18 ang sugatan na karamihan ay mga bata rin. Isa mga bata ang kritikal umano ang kalagayan.
Kinalaunan, nakitang patay ang 23-anyos na suspek na si Robin Westman, matapos na magbaril sa sarili.
Ayon sa mga awtoridad, tatlong baril ang dala ng suspek—isang rifle, isang shotgun at isang pistol, na pawang ipinutok niya sa mga biktimang nagdarasal noon.
Namaril umano ang suspek habang nasa labas ng simbahan at nagpaputok mula sa bintana.
Ayon sa State at federal authorities, puno ng galit ang suspek na nahuhumaling sa U.S. mass shootings at naghahangad na “makilala.”
"The shooter was obsessed with the idea of killing children," pahayag Joe Thompson, acting U.S. Attorney for Minnesota, batay umano sa iniwan nitong sulat. "The shooter wanted to watch children suffer." – mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News
