Labintatlong masahista ang hinoldap ng dalawang armadong lalaki sa Pasay City nitong Biyernes, ayon sa pulisya. Ang dalawa sa kanila, ginahasa.
Sa ulat ni Mao dela Cruz sa Dobol B TV, sinabing naganap ang insidente ng 12:55 a.m., ayon sa Pasay City Police Station.
Base sa imbestigasyon, dumating ang mga hindi pa matukoy na lalaki sakay ng isang puting motorsiklo, bago pumasok sa establisimyento ng mga masahista at nagdeklara ng holdap.
Kinuha ng mga suspek ang mga gamit ng 13 massage therapist at ginahasa ang dalawa sa kanila.
Tumugon ang Special District Forensics Unit, na nagsagawa ng technical investigation sa pinangyarihan ng krimen at nakakuha ng ebidensya para sa forensics examination.
Nagsasagawa naman ang tracker team ng Pasay City Police Station ng backtracking at forward tracking ng CCTV para matukoy ang rutang dinaanan ng mga suspek.
Nagsagawa rin ng photo identification, kung saan positibong itinuro ng mga biktima ang isang kinilalang "Ashley", 23 anyos, residente ng Pasay City. Kabilang ang lalaki sa e-rogue list ng pulisya, na siyang gumahasa sa dalawang biktima.
Naglunsad na ng hot pursuit operations ang pulisya para sa ika-aaresto ng mga suspek. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News

