Dahil sa “command responsibility,” nadamay at sinibak sa puwesto ang hepe ng Marikina Police kasunod ng reklamo ng isang babaeng pulis na minolestiya siya ng dalawang lalaking pulis na kasama niya sa trabaho.
“We administratively relieved the chief of police of Marikina pending investigation,” ayon kay Eastern Police District head Police Brigadier General Aden Lagradante sa isang press briefing nitong Lunes.
Sinabi pa ni Lagradante, na sasailalim sa imbestigasyon ang hepe ng Marikina police para alamin kung may pagkukulang siya sa pagsubaybay sa kaniyang mga tauhan.
Agosto 17 nang ayain umano ng dalawang pulis na suspek—na may ranggong police staff sergeant at patrolman—ang biktimang pulis na babae para magkape.
“Yung victim is also on duty. Niyaya magkape ng dalawa. Noong sumama sa mobile, instead na magkape, pumunta somewhere, nag-park. Then nangyari ‘yun [krimen],” ayon kay Lagradante.
Hindi kaagad nagsumbong ang biktima, at noong August 27 siya naghain ng reklamong sexual assault at acts of lasciviousness laban sa mga suspek.
Isinailalim na sa restrictive custody ang mga inaakusahang pulis habang iniimbestigahan ang reklamo laban sa kanila.
Nauna nang iniulat na itinanggi ng dalawa ang paratang laban sa kanila. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
