Binawi ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensiya ng siyam na construction companies na pag-aari at kontrolado ni Sarah Discaya, ang isa sa mga pangunahing personalidad na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Sa Resolution No. 075, series of 2025 na inilabas nitong Setyembre 1, sinabi ng PCAB na binawi ang lisensiya ng mga kumpanya matapos aminin ni Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes na siya ang may-ari ng mga kumpanyang lumahok sa mga bidding ng mga proyektong pinondohan ng gobyerno.

Ang mga kumpanyang binawian ng lisensiya ay ang:

  • St. Gerrard Construction Gen. Contractor & Dev’t Corporation
  • Alpha & Omega Gen. Contractor & Dev’t Corporation
  • St. Timothy Construction Corporation
  • Amethyst Horizon Builders and Gen.Contractor & Dev’t Corp.
  • St. Matthew General Contractor & Development Corporation
  • Great Pacific Builders and General Contractor, Inc.
  • YPR General Contractor and Construction Supply, Inc.
  • Way Maker OPC
  • Elite General Contractor and Development Corp.

Ayon sa PCAB, ang pag-amin ni Discaya ay nagpapakita ng isang “scheme” ng joint o multiple bidding participation na layong impluwensyahan ang resulta ng mga public bidding, manipulahin ang kalalabasan, at masolo ang mga proyekto ng gobyerno, na labag sa mga batas ukol sa procurement at sa mga rekisito ng lisensiya.

Dagdag pa ng PCAB, matapos ang masusing pagsusuri sa mga pahayag ni Discaya, napagpasyahan nito na, “the continued accreditation of these corporations is inimical to public interest, industry integrity, and government procurement transparency.”

Magpapadala ang PCAB ng notices of revocation sa mga nasabing kumpanya at aalisin ang mga ito sa listahan ng mga lisensyadong contractor.

Ipinadala rin ang kopya ng resolusyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Securities and Exchange Commission (SEC), Government Procurement Policy Board (GPPB), mga Local Government Units, at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

Dagdag pa ng PCAB, i-eendorso rin ang usapin sa National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) para sa posibleng pagsampa ng kasong kriminal, kung kinakailangan, alinsunod sa Revised Penal Code at mga batas sa procurement.— mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News