Kinalampag at binato ng putik ng ilang militante't biktima ng baha ang harap ng compound ng pamilya Discaya sa Pasig City. 

Sa ulat ni Jun Veneracion sa Balitanghali nitong Huwebes, gumamit din ang mga nagpoprotesta ng spray paint sa bakod ng compound.

Anila, ganti nila ito sa pagsalaula sa pondo ng pamahalaan, partikular ang mga maanomalyang flood control project kung saan iniimbestigahan ang mga kumpanya ng mag-asawang kontratistang sina Pacifico "Curlee" at Sarah Discaya.

Dagdag nila, may mga taong gaya ng mga Discaya na lumalangoy sa karangyaan habang nalulubog sa baha ang maraming Pilipino.

Sinabi ni Colonel Hendrix Mangaldan, hepe ng Pasig City Police, malinaw na paglabag sa batas ang ginawa ng mga nagpoprotesta, na maaaring makasuhan ng malicious mischief.

Gayunpaman, ipauubaya ng PNP sa pamilya Discaya kung sasampahan nila ng kaso ang mga nagpoprotesta.

Pinahintulutan ng mga awtoridad ang kilos protesta kahit walang permit, pero hindi nila inakala na hahantong ito sa pambabato ng putik at bandalismo.

Magde-deploy ng dagdag na mga pulis sa lugar para hindi na maulit ang nangyari nitong Huwebes.

Paulit-ulit nang sinasabi ng pamilya Discaya na wala silang nilabag na batas sa kanilang mga proyekto.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya tungkol sa nangyaring protesta.

Nalinis na ng mga tauhan ng pamilya Discaya ng putik sa gate sa compound ngunit nagmarka ang mga bandalismo sa kanilang bakod. — VDV GMA Integrated News