Nahuli sa camera ang umano'y pagmamaltrato ng isang K-9 handler sa isa nilang aso sa Pasig City.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ng YouScooper na si Nicole Andrea, tinangka niyang sigawan at awatin ang handler sa pananakit sa aso pero malayo siya kaya hindi siya naririnig.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mismong handler.

Ngunit sa isang pahayag ng kaniyang agency, sinabi nitong suspendido muna ang handler dahil sa insidente.

Nakatakdang bigyan ng retraining at reassessment ang handler. Siniguro pa ng ahensiya na nasa ligtas na kalagayan ng aso at hindi na mauulit ang insidente.

Samantala, maghahain ng reklamo ang Philippine Animal Welfare Society (PAWs) laban sa handler dahil sa ginawa umano nitong pagmamaltrato sa aso.

Sa isang pahayag, sinabi ng PAWS ng makikita ang handler sa video na marahas at puwersahan nitong kinukuha ang bola sa bibig ng aso.

“PAWS is deeply outraged and condemns these repeated acts of violence and neglect toward K9s. There is no job, task, or excuse that ever justifies cruelty or violence in any workplace, and certainly not in the treatment of animals,” ayon sa PAWS.

“Humane, science-based training methods exist. The use of force, fear, violence, or threats that cause harm or instill trauma has no place in animal training,” dagdag nito.

Makikipag-ugnayan umano ang animal welfare group sa Meralco officials at may-ari ng viral video para sa pagsasampa nila ng reklamo laban sa handler.

“The video taker will be the primary witness in the case to be filed against Bingo’s cruel handler,” saad ng PAWS.-- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News