Sa kulungan ang bagsak ng anak ng isang barangay captain matapos siyang mahulihan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.7 milyon sa Cebu City. Ang opisyal, sinabing posibleng may bahid-politika ang pagkakaaresto sa anak.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na kabilang ang suspek sa kanilang watch list.

Nakuha sa suspek ang mahigit 200 gramo ng shabu umano sa ikinasang buy-bust operation.

Hindi nagbigay ng pahayag ang anak ng opisyal, na mahaharap sa reklamong paglabag
sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Depensa ng amang barangay captain, hindi siya naniniwalang dawit ang kaniyang anak sa iligal na droga, kundi may bahid-politika lamang umano ang pag-aresto rito. —Jamil Santos/LDF GMA Integrated News