Ipinababaklas na ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga overlapping street sign sa nasasakupan niyang lungsod. Sa nag-viral na larawan, makikita na dalawang poste na may parehong pangalan ng mga kalye ang magkatabi lang sa isang lugar.

Nitong Biyernes, nilinaw ni Moreno sa Domagoso sa kaniyang livestream na hindi sa panahon ng kaniyang panunungkulan nailagay ang pinupunang street signs.

“Nandiyan na ‘yan, wala na tayong magagawa. To correct the wrong, hindi naman puwedeng dalawang signage, that’s why I ordered na tanggalin yung isa. Hinayaan ko na silang mamili [kung ano ang iiwan],” ayon sa alkalde.

Sinabi ni Moreno na nagkakahalaga ng P39.9 milyon ang gastos sa paglalagay ng mga reflectorized street name signages para sa Districts 1 hanggang 6, base sa report na isinumite sa kaniya ni City Engineer Armand Andres.

“Hindi po natin ‘yan ginawa, ayaw kong magturo,” saad ni Mayor Isko na nagpakita ng kopya umano ng dokumento nang aprubahan ang nasabing proyekto.

Sa viral photo, makikita ang dalawang signages na magkatabi sa panulukan ng Pedro Gil at Felix Street.

“Malungkot [kasi] gumastos tayo ng walang kapararakan... Ang tawag diyan ay pagwawaldas, hindi naman kailangan, ay ginastusan,” giit niya. “Ayoko na lang mag-elaborate, kayo na lang humusga.”

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag ang dating alkalde ng Maynila na si Honey Lacuna. — FRJ GMA Integrated News