Nagtamo ng mga sugat ang isang magkapatid matapos silang bugbugin ng grupo ng mga lalaki sa Las Piñas. Ang isa sa mga suspek, isang menor de edad na trip lang umanong manuntok noon.

Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang CCTV ng paglalakad ng magkapatid sa Barangay Almanza Uno, na magkakape lang sana sa isang fast food restaurant madaling araw ng Miyerkoles.

Ilang saglit lang, napahinto ang dalawa sa gilid ng kalsada. Isang lalaki ang lumapit sa kanila at biglang nanuntok sa magkapatid.

Akmang gaganti na ang dalawa nang lumabas na ang iba pang lalaki.

Tumawid ang isa sa magkapatid ngunit hinabol siya ng isa sa mga lalaki at patuloy siyang binugbog. Isang rider ang nagmalasakit na umawat.

Ang isa pa sa magkapatid, nakorner at pinagtulungan ng tatlong lalaki. Sinubukan niyang tumakas mula sa mga kumukuyog sa kaniya pero natumba siya.

Lumapit sa kaniya ang isang lalaking nakaputi at tinadyakan siya.

Nahinto lamang ang pambubugbog nang umawat ang mga bystander.

Ayon sa Las Piñas Police, kilala na nila ang apat na suspek, na nag-iinuman bago ang insidente. Kainuman nila ang testigo na nagsalaysay sa pulisya sa pangyayari.

Edad 14 lamang ang unang lalaking sumulpot, na tila trip lang umanong manuntok noong mga sandaling iyon.

“Base roon sa kuwento ng witness, na gusto raw niyang (menor de edad) manuntok. Tamang tama naman itong dalawang biktima natin habang naglalakad sa kahabaan ng Alabang-Zapote, nakita niya, sinuntok niya. Noong lalabanan na siya ng dalawang biktima, humingi naman ng tulong sa mga suspek na tatlo, na legal age, at doon pinagtulungan ‘yung dalawang biktima,” sabi ni Police Major Bobbe Imbo, Chief, Station Investigation and Detective Management Section ng Las Piñas Police.

Mga edad 18, 19 at 20 naman ang tatlong iba pang nambugbog sa mga biktima.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang mga biktima, na patuloy na nagpapagaling.

Isa sa kanila ang lubhang napuruhan at nasa ospital pa.

Hinihintay nila ang kanilang medico-legal bago nila ihahabla sa piskalya ang mga suspek. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News