Nasawi ang isang apat na taong gulang na lalaki matapos itong maiwan sa ikalawang palapag ng nasusunog nilang bahay sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig. Ang kaniya namang ina, sugatan.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing sumiklab ang apoy sa kanilang bahay pasado 2 a.m., ayon sa barangay.

“In-attempt ng nanay talaga na ilabas 'yung anak niya. Dahil nga lumakas na, nabitawan niya. Sa baba po kasi nag-umpisa, kaya wala siyang nagawa kundi tumalon sa bintana para lang siya makalabas. At pagkatalon niya, gusto pa rin po niyang pasukin talaga doon sa baba 'yung bahay para mailigtas po 'yung anak niya. Kaya lang talagang ang laki-laki na po [ng] apoy,” sabi ni Michael Santos, hepe ng Barangay Pinagbuhatan Action.

Tinupok ng sunog ang dalawang bahay, at umabot ito sa unang alarma. Apektado rin ang hindi bababa sa limang pamilya o labing tatlong indibidwal.

Sinabi ng barangay na dikit-dikit ang mga bahay na gawa sa light materials kaya mabilis kumalat ang apoy.

“Masikip po talaga sa loob din, ang hirap kumilos. Ang tagal bago na-off 'yung power. At ang lakas ng kuryente, kaya kahit kami nahihirapan na rin siyang pasukin,” sabi ni Santos.

Tuluyang naapula ang apoy pasado 2:30 a.m.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng sunog at halaga ng pinsala. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News