Isang rider ang nasawi matapos siyang barilin ng dalawa pang rider na sumita sa ginawa niyang pag-counterflow sa kalsada sa Quezon City.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV na nakasalubong ng dalawang motorsiklo ang isa pang motorsiklong nag-counterflow, at nagkasagutan ang mga rider pasado 8 p.m. ng Lunes.
Ilang saglit pa, itinabi ng nag-counterflow na rider ang kaniyang motorsiklo at nilapitan ang dalawang rider na huminto naman sa may unahan.
Habang lumalapit ang nag-counterflow na rider, bigla siyang pinutukan ng baril ng dalawa.
“Tingin namin, nasita siya ng dalawang suspek na bakit siya nagka-counterflow. Mga 15 meters, nagkahiwalay na sila. Kaya lang po, bumalik pa itong biktima, pinuntahan niya. At nu’ng naka-stop na po 'yung dalawang suspek, ay nakahanda na pala,” sabi ni Police Colonel Randy Silvio, District Director ng QCPD.
Nagawa pang makatakbo palayo ng biktima, ngunit binawian ng buhay kalaunan matapos magtamo ng tama ng bala sa dibdib.
Nadakip ang isa sa dalawang suspek sa pamamaril sa biktima sa isinagawang follow-up operation ng QCPD.
Natuklasan ng mga awtoridad na dati nang naharap sa ilang kaso ang isa sa mga suspek.
“During sa backtracking po, natunton natin kung saan galing itong dalawang suspek, sa may Sangandaan, Caloocan City. Nakita po natin mayroon siyang mga previous cases. 'Yung isa, RA 9165, 'yung Comprehensive Dangerous Drugs Act,” sabi ni Silvio.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang suspek, na nakakulong na sa QCPD. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
