Timbog ang dalawang riding-in-tandem na humablot sa pitaka ng isang 17-anyos na babae sa Barangay Sangandaan, Quezon City. Isa pang suspek ang pinaghahanap.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang tatlong lalaki na sakay ng motorsiklo habang dumadaan sa isang eskinita Huwebes ng madaling araw.

Nasa likod naman nila ang menor de edad na biktima na naglalakad habang nagse-cellphone.

Ilang saglit lang, biglang humarang sa daan ang motorsiklo at bumuwelo para umikot.

Isa sa mga backride ang bumaba at hinablot ang wallet ng dalagita, na bumagsak pa sa sahig.

Pagkakuha ng lalaki sa wallet, tumakas na ang tatlong nakamotor na suspek.

“Napansin po kasi nila na bitbit niya ‘yung wallet while texting. Buti nga hindi naman nakuha ‘yung cellphone, ‘yung wallet po ‘yung nakuha,” sabi ni Talipapa Police Chief Lieutenant Colonel Christopher Siriban.

May P800 ang laman ng tinangay na wallet.

Nadakip ang dalawa sa mga suspek, na napag-alamang magkaibigan, sa follow-up operation ng pulisya.

Namukhaan ng biktima ang 26-anyos na suspek, na dati na rin nadawit sa robbery, batay sa record ng pulisya.

“Ang naituro po ‘yung isa, may previous na po kasi siyang naging kaso ng robbery din and violation ng [Republic Act] 9165 o ‘yung anti-illegal drugs,” sabi ni Siriban.

Umamin ang dalawang suspek sa krimen.

“Dala lang po ng pangangailangan po sa buhay, napakahirap po kasi ng buhay. Wala po kaming ibang makakapitan. ‘Yun lang ang naisip namin. Kapos po eh. Hindi po sapat kaya kumapit na lang kami sa patalim,” sabi ng isa sa mga suspek.

“Tiyempo lang po talaga ‘yung nangyari. Nakamotor po talaga kami, nadaananan lang po namin. Sana mapatawad niya po kami,” sabi ng isa pang suspek.

Patuloy na hinahanap ang isa pa nilang kasamahan, habang sasampahan naman ang mga nahuling suspek ng reklamong robbery. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News