Pinangalanan ng mag-asawang kontraktor na sina Sarah at Curlee Discaya ang ilang kongresista, tauhan nila, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y sangkot sa korapsyon sa mga flood control project ng gobyerno.

Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Lunes, sinabi ng Discaya couple na bukas silang tumayong state witness para mabunyag ang sistema.

“Paulit-ulit kaming ginagamit ng mga nasa puwesto. Kung hindi kami makikisama, gumagawa sila ng paraan para maipit o mapatigil ang proyekto, gaya ng mutual termination o right of way problem,” pahayag ni Curlee Discaya.

Dagdag pa niya, matapos silang manalo sa bidding, lumalapit umano ang ilang opisyal ng DPWH para manghingi ng “parte” mula sa pondo ng proyekto.

“Hindi bababa sa 10% ang hinihingi, at minsan umaabot pa sa 25%, para lang hindi maipit ang implementasyon,” aniya.

Ilan sa mga mambabatas na pinangalanan ng mga Discaya ay sina:

  • Pasig City Representative Roman Romulo
  • Uswag Ilonggo Party-list Representative Jojo Ang
  • Quezon City Representative Patrick Michael Vargas
  • Quezon City Representative Juan Carlos “Arjo” Atayde
  • Agap Party-list Representative Nicanor “Nikki” Briones
  • Marikina Representative Marcelino “Marcy” Teodoro
  • San Jose del Monte, Bulacan Representative Florida Robes
  • Romblon Representative Leandro Jesus Madrona
  • Representative Benjamin “Benjie” Agarao Jr.
  • An-Waray Party-list Representative Florencio Gabriel Bem Noel
  • Occidental Mindoro Representative Leody “Ode” Tarriela
  • Quezon Representative Reynante “Reynan” Arogancia
  • Quezon City Representative Marvin Rillo
  • Aklan Representative Teodorico “Teodoro” Haresco
  • Zamboanga Sibugay Representative Antonieta Yudela
  • Caloocan City Representative Dean Asistio
  • Quezon City Representative Marivic Co-Pilar


Kabilang din sa binanggit ang dating undersecretary ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas na si Terrence Calatrava.

Ayon kay Curlee Discaya, may mga tauhan din ng ilang politiko na nakipag-ugnayan sa kanila upang humingi ng porsyento kapalit ng mga proyektong na-award sa kanilang kumpanya.

Samantala, kabilang naman sa mga opisyal ng DPWH na tinukoy ang mga sumusunod:

  • Regional Director Virgilio Eduarte (Region V)
  • Director Ramon Arriola III (Unified Project Management Offices)
  • District Engineer Henry Alcantara (Bulacan 1st District)
  • Undersecretary Robert Bernardo
  • District Engineer Aristotle Ramos (Metro Manila 1st District)
  • District Engineer Edgardo Pingol (Bulacan Sub-DEO)
  • District Engineer Michael Rosaria (Quezon 2nd DEO)


“Karamihan sa mga kawani ng DPWH na nabanggit ay paulit-ulit na sinasabi na ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay at least 25%,” ani Curlee.

Dagdag pa niya, “Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kanyang malapit na kaibigan.”

 

Hiling na proteksyon

Kasabay ng kanilang pahayag, humiling ng proteksyon mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta ang mag-asawang Discaya para sa kanilang pamilya.

Ayon kay Sarah Discaya, nang magsimulang manalo sa bidding ang kanilang kompanya, inalok sila ng mga district engineer at regional director ng DPWH, gayundin ng mga chief-of-staff ng ilang mambabatas, ng mga proyektong sinasabing pinopondohan ng mga kongresista.

Subalit, nang una nilang tanggihan at i-report ang sistema sa DPWH, wala umanong nangyaring aksyon.

“Sabi nila, dapat tanggapin namin ang reyalidad na dapat kaming magbayad sa mga mambabatas kung gusto pa naming magpatuloy na magkaroon ng projects sa gobyerno. Kung hindi, binabalaan nila na matanggal sa listahan ang kompanya namin at hindi na makakakuha ng kahit anong proyekto,” ayon kay Sarah.

“Hindi namin ginusto kailanman na mapasama sa ganitong sistema, pero kailangan naming magpatuloy para sa pamilya at mga empleyado,” dagdag pa niya. —KG GMA Integrated News