Kritikal ang isang lalaki matapos malapitang barilin sa ulo ng kanyang kakilala sa Las Piñas City
Huminto sa gilid ng kalsada sa Canaynay Road, Barangay Manuyo Dos sa Las Piñas city pasado alas siyete kagabi ang dalawang lalaki. Pero maya maya, biglang bumunot ng baril ang isa sakanila.
Ikinasa niya ito at malapitang pinaputok sa ulo ng biktima.
Sa cellphone video, makikita ang pagdating ng ambulansya ng barangay na nagsugod sa ospital sa biktima.
Ayon sa isang residente, inakala pa nila noong una na paputok lang ang umalingawngaw sa kanilang lugar.
Ilang minuto bago ang pamamaril, nakuhanan pa sa CCTV na napadaan sa tapat ng satellite office ng barangay ang suspek at biktima
Ayon sa barangay, hindi nila agad narinig ang putok ng baril dahil sa ingay ng mga truck na dumadaan.
Sabi nila, blangko pa sila sa motibo ng pamamaril. Pero residente raw nila ang dalawa na parehong tindero at magkatapat lamang ang puwesto sa palengke/
May posibilidad umano na matagal nang may alitan ang dalawa.
Patuloy na mino monitor sa ospital ang biktima habang patuloy din ang follow up operation ng pulisya para mahuli ang suspek at malaman ang totoong motibo sa pamamaril. —VAL GMA Integrated News
