Inihayag ni dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Ericson Hernandez nitong Martes na ilang senador ang sangkot umano sa mga maanomalyang flood control project.
Kabilang sa mga binanggit na pangalan ni Hernandez ang mga senador na sina Jinggoy Estrada at Joel Villanueva.
Kasama rin sa kaniyang pinangalanan sina dating DPWH 1st District Engineer Henry Alcantara at Undersecretary Robert Bernardo.
Inilahad ito ni Hernandez sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Infrastructure Committee sa mga flood control project.
"Puwede po bang 'wag ninyo na 'kong ibalik sa Senate, your honor? Kasi may mga involved pong senador dito," sabi ni Hernandez.
"Hindi ko po alam ang magiging kapalaran ko, kung ibabalik ninyo ko," dagdag niya.
Isinailalim ng Senate blue ribbon committee nitong Lunes si dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Ericson Hernandez sa contempt matapos niyang paulit-ulit na itanggi ang mga umano'y impormasyon tungkol sa kaniyang mga aktibidad sa casino.
Sa pagbabasa ng kaniyang sulat-kamay na affidavit, sinabi ni Hernandez na nakatanggap ang mga senador ng 30% "SOP" mula sa mga proyekto.
"Sabi ni Senator (Rodante) Marcoleta kahapon ligtas ka na, hindi po ito totoo. Si Senator Jinggoy Ejercito Estrada, Senator Joel Villanueva, Usec Robert Bernardo, at DE Alcantara," pahayag niya.
"Nagbaba po si Senator Jinggoy ng P355 million at ang kaniyang SOP po rito ay 30%. Mga driver namin sa District Engineer Bulacan ang nag-deliver. Nu’ng 2023 naman naglabas ng P600 million si Senator Villanueva. Ang SOP nito ay 30% rin," dagdag ni Hernandez, na inalis na bilang DPWH engineer kaugnay ng mga maanomalyang flood control project sa Bulacan.
Itinanggi naman ni Alcantara, na nasa pagdinig, ang mga paratang.
Sa isang pahayag, hinamon ni Estrada si Hernandez na pareho silang kumuha ng lie detector test sa harap ng publiko habang itinatanggi ang mga akusasyon sa kaniya.
"I categorically and vehemently deny the claims made by Brice Hernandez. I challenge him. LET US TAKE A LIE DETECTOR TEST before the public para malaman ng lahat kung sino ang nagsasabi ng totoo. Talk is cheap — handa akong patunayan na pawang mga kasinungalingan ang sinasabi niya tungkol sa akin," ani Estrada.
Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online kay Villanueva para sa kaniyang komento.—Jamil Santos/AOL/FRJ GMA Integrated News
