Inilahad ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson nitong Martes kung papaano naisagawa ng dati nilang grupo na minority bloc na binubuo ng limang senador ang “kudeta” para mapatalsik bilang Senate president si Senador Francis “Chiz” Escudero, at matagumpay na maipalit sa puwesto si Senador Tito Sotto.
Ayon kay Lacson, nagpulong ang dating minority bloc na binubuo niya at nina Sens. Sotto, Risa Hontiveros, Loren Legarda, at Migz Zubiri noong Biyernes para pag-usapan ang pagpapatalsik kay Escudero. Noong weekend, sinabi niyang nagsimula na silang mangalap ng suporta sa mga kapwa senador para kay Sotto upang magpalit ng liderato sa Senado.
“Ano ‘yan eh, usapan naming lima sa minorya. Nagtanong-tanong kami sa mga kasamahan namin kung sino ‘yung gusto na magpalit ng liderato. At base do’n sa unang nakalap na information, mukhang uubra na magkaroon ng sufficient na numero. Kasi 13 para mag-oust eh, 12 para ma-retain,” sabi ni Lacson sa isang panayam sa Super Radyo dzBB interview.
"So nung may bilang [na], 'yun na. May tawagan na nangyari at ayoko nang pag-usapan ang mga dahilan kasi ayaw na rin nating magkaroon ng sakitan o samaan ng loob. 'Yan naman ay normal naman 'yan sa Senado at saka sa House, ang palitan," dagdag niya.
Noong Lunes, pinalitan ni Sotto si Escudero bilang Senate President matapos ideklarang bakante ang pinakamataas na posisyon sa kapulungan nang magsimula ang sesyon.
Pero bago pa man magsimula ang sesyon, ipinaalam na nina Lacson kay Escudero na may sapat na sila ng bilang ng mga senador upang gawing Senate president si Sotto.
Kaya naman nang mag-mosyon si Zubiri na ideklarang bakante ang posisyon ng Senate president, wala nang tumutol, maging nang inomina si Sotto bilang bagong lider ng Senado.
Nang tanungin kung naging madali para sa kanila na makakuha ng sapat na numero para palitan si Escudero, sinabi ni Lacson, “Medyo.”
Ipinunto pa ng bagong luklok na Senate President Pro Tempore na “very graciously” na tinanggap ni Escudero ang desisyon ng mga senador at nagkaroon sila ng maayos na transition.
“Nang supisyente ang numero, ‘yun na, pinuntahan namin si SP Chiz. Nakakabagbag naman ng loob na he was very, very gracious. Sabi ko nga, statesman par excellence ang naging demeanor, ‘yung naging reception sa amin ni SP Chiz,” ani Lacson.
“Sinuggest ko pa na baka naman puwedeng para lang sa solidarity ng ating Senado, baka puwede siya na mag-oath kay bagong SP. Sabi niya oo, walang problema. Kasi noong una, ang pakiusap sa’kin ni SP Sotto ikaw na mag-administer. Sabi ko hindi, tanungin muna natin si Chiz baka naman payag siya, siya mag-administer, mas magakanda kako tingnan ‘yun. At ganoon nangyari. Napakaganda ng transition,” pagpapatuloy niya.
Matapos opisyal na maihalal si Sotto na Senate president, nahalal naman si Lacson bilang bagong Senate President Pro Tempore, kapalit ni Senator Jinggoy Estrada. Hinirang din si Zubiri bilang bagong Senate Majority Leader, kapalit ni Senator Joel Villanueva.
Kasama sa mga sumuporta para gawing bagong lider ng Senado si Sotto ay sina Sens. Risa Hontiveros, Bam Aquino, Loren Legarda, Kiko Pangilinan, Camille at Mark Villar, Pia Cayetano, Erwin at Ruffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Lito Lapid, at JV Ejercito.
Bagong minority bloc
Sa pagkakabuo ng bagong liderato sa Senado, magkakaroon din ng bagong minority bloc, o ang mga senador na hindi sumuporta kay Sotto.
Ayon kay Senador Jinggoy Estrada, si Senador Alan Peter Cayetano ang magiging lider nila sa minorya, at Senate deputy minority leader naman si Sen. Rodante Marcoleta.
Kabilang din sa bagong minority bloc sina Sens Francis “Chiz” Escudero, Joel Villanueva, at ang “Duterte bloc” na sina Sens. Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa, Robin Padilla, at Imee Marcos. --- mula sa ulat nina Giselle Ombay/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

