Kapuwa pinalagan nina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva ang alegasyon ni dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Hernandez na kasama sila sa mga nanghingi ng kickbacks sa flood control projects.
Basahin: Jinggoy, Villanueva, sangkot sa mga maanomalyang flood control project, ayon kay Hernandez
Si Estrada, hinamon si Hernandez na pareho silang sumalang sa lie detector test para malaman kung sino sa kanila ang nagsisinungaling,
“I categorically and vehemently deny the claims made by Brice Hernandez. I challenge him. Let us take a lie detector test before the public para malaman ng lahat kung sino ang nagsasabi ng totoo,” ani Estrada.
“Talk is cheap—handa akong patunayan na pawang mga kasinungalingan ang sinasabi nya tungkol sa akin,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Hernandez ang alegasyon nitong Martes sa pagdinig ng komite sa Kamara de Representantes na nagsisiyasat tungkol sa maanomalyang flood control projects.
Nagpakita pa si Hernandez ng ilang larawan na kasama ni Estrada si dating DPWH 1st District Engineer Henry Alcantara.
Ayon kay Estrada, sasampahan niya ng kaso si Hernandez dahil sa alegasyon nito na tumanggap siya ng 30% na kickback mula sa P355 milyong halaga ng pondo sa proyekto.
“Yes, sa sampahan ko ng kaso ‘yan. I have to talk to my lawyers,” anang senador. “Nagalit talaga ako. Talagang napamura ako. Napakasinungaling nitong taong to. Because first of all, hinding hindi ko siya kilala, and I have never met that guy."
Sabi pa ni Estrada, "Just common sense. Will you think I will be actively participating in this investigation na nandun siya, na kilala ko siya, na nagbibigay siya ng pera sa akin."
"That's common sense. I should have abstained from that hearing, from this hearing. Malakas ang loob ko dahil I never, I did not commit any illegal act,” patuloy niya.
Hindi rin maalala ni Estrada kung saan kuha ang larawan na kasama niya si Alcantara, na isinasangkot din sa kontrobersiya. Wala rin umano siyang staff na nagngangalang Beng Ramos na ipinakita sa screengrabbed images na pinag-uusapan ang tungkol sa proyekto.
"She was never my staff in my office and I never authorized her at kahit sino man,” sabi pa ni Estrada, bagaman inamin niyang dating nobya umano ng isa niyang tauhan si Ramos.
Demolition job
Samantala, tinawag naman ni Villanueva na isang “demolition job” ang alegasyon ni Hernandez laban sa kaniya.
Sa privilege speech, sinabi ni Villanueva na ikinagulat niya ang pagkakasangkot ng kaniyang pangalan sa pagdinig sa Kamara, kasama si Estrada.
“Uulitin ko, at parang sirang plaka na ako, Mr. President, wala akong kailanman naging flood control project. Hindi ko po sasabihin na I categorically deny this accusation dahil po may resibo po tayo. Meron pong pwede ipa-berika kung bakit ito nangyayari,” giit ni Villanueva.
Ipiahiwatig ni Villanueva na si Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, dating chairperson ng House appropriations committee, ang “mastermind” sa umano’y anomalya sa paggamit ng pondo para sa flood control projects.
“Mr. President, hinahanap pa ba natin ang mastermind? Dito rin po sa bulwagan na ito unang nasabi ‘yung binabanggit kahapon ni Senate President Escudero—a name that cannot be mentioned. Walang iba kundi si Dracula na ginawang tagapagbantay ng Kamara doon po sa national blood bank natin,” ani Villanueva.
“Ngayon, Mr. President, nasaan po si Dracula? Bumaba daw po ang dugo. Bakit? Kulang na ba ang supply ng dugo kaya sa iba humahanap ng dugo si Dracula?,” patuloy niya.
Hindi umano takot si Villanueva sa "demolition job" at handa siyang humarap sa mga imbestigasyon dahil wala siyang itinatago.
“I’m not trying, Mr. President, na just to defend myself and hit this pawn kasi alam naman natin sino ang may hawak dito. Kaya ang hiling ko po sa bulwagang ito, ang hiling ko rin sa ating Pangulo. Alam ko na sinsero kayo, alam ko po na masakit po sa inyo itong nangyayari, pero klarong-klaro po kung sino ang mastermind,” ani Villanueva.
“Klarong-klaro po kung nasaan na si Dracula, kung bakit bumaba ang kanyang dugo kasi hindi na po malaman kung saan itatago ang bilyun-bilyon o trilyon trilyong salapi kaya bumaba po ang dugo. At mismong si Dracula sinasabing hindi naman niya gagawin ito kung walang basbas ng amo nya. Sino ba ang amo nya, Mr. President? Sino ba ang naglagay sa kanya bilang tagapagbantay ng national budget?,” sabi pa niya.
Una rito, sinabi ni House of Representatives spokesperson Princess Abante na nasa Amerika si Co para sa medical treatment. — Giselle Ombay/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
