Dinakip ang isang 31-anyos na lalaki na wanted sa kasong robbery noong 2013 sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City. Ngunit ang suspek, nakalaya matapos magpiyansa ng P100,000.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na tatlo ang suspek sa krimen noon at sinampahan ng kaso.

“Puwersahan nilang pinasok 'yung bahay, na-found out nu'ng complainant na 'yung bahay nila is pinasok. Na-identify at naturo sila ng mga witnesses,” sabi ni Captain Glenn Gonzales, Batasan Police Station Officer of the Day.

Hindi na nakunan ng panig ang suspek, na nakalayo matapos magpiyansa.

Samantala sa Barangay Commonwealth naman, dinakip din ng pulisya, ang isang 35-anyos sa babae, na wanted sa kasong paglabag sa Bouncing Checks Law.

Sinabi ng pulisya na nasampahan ng kaso ang akusado nitong Mayo sa Pampanga.

“Nag-issue siya ng tseke na worth more than P1 million doon sa client nila tapos 'yung tseke is tumalbog. Kaya sinampahan siya ng kaso ng complainant niya,” sabi ni Gonzales.

Ayon sa akusado, hindi siya nagtago at batid niya ang arrest warrant sa kaniya.

“No comment,” sabi ng akusado, na ibi-biyahe ng pulisya sa Pampanga para sa return of warrant. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News