Matagumpay na sinimulan ni Alex Eala ang kaniyang kampanya sa SP Open matapos talunin si Yasmine Mansouri ng France, 6-0, 6-2, sa Round of 32 nitong Miyerkules ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Sao Paulo, Brazil.

Tumagal lamang ng isang oras at sampung minuto ang laban na dinomina ng world No. 61 na si Eala.

Nakaiskor lamang si Mansouri ng isang game matapos ang siyam na sunod-sunod na panalo ni Eala.

Bagamat bumawi ang 20-anyos na Pinay, nakapuntos muli si Mansouri—na kasalukuyang world No. 380—at bahagyang naantala ang panalo ni Eala.

Naging mahigpit naman ang laban ng dalawa sa game 13 bago tuluyang isinara ni Eala ang set para makuha ang 5-2 na kalamangan. Sa huli, nasungkit ni Eala ang set at nakuha ang kaniyang unang panalo sa South America.

"This is my first time in Brazil and my first time in South America, actually, so I’m so happy to see that the crowd is so lively," sabi ni Eala sa panayam.

"I didn’t expect so many people to come out and watch me play. I guess I was a bit lucky to be sandwiched in between two great Brazilians, so I’m just happy to be here and to be able to play well," dagdag niya, na tinutukoy ang laban nina Laura Pigossi bago siya at ang top seed na si Beatriz Haddad Maia pagkatapos.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang makuha ni Eala ang kaniyang unang WTA 125 title sa Guadalajara 125 Open sa Mexico.

Makakaharap ni Eala si Julia Riera ng Argentina, na kasalukuyang world No. 188, sa Round of 16 sa Huwebes.

Ang SP Open ay bahagi ng WTA 250, isang torneo sa pangunahing WTA tour.

FRJ GMA Integrated News