Naglabas ng subpoena ang Department of Justice (DOJ) laban sa negosyanteng si Atong Ang, aktres na si Gretchen Barretto, at iba pa kaugnay ng reklamong pagpatay na isinampa laban sa kanila ng mga pamilya ng nawawalang mga sabungero.
Ayon sa ulat ni Saleema Refran sa Super Radyo dzBB, nag-isyu rin ang DOJ ng mga subpoena laban sa dating hepe ng National Capital Region Police Office na si retired Police General Jonnel Estomo at sa 18 pang pulis.
“Subpoenas have been issued from the preliminary report given by the National Prosecution Service as against the 59 or 60 respondents in the case of the missing sabungeros,” sabi ni Justice spokesperson Mico Clavano sa BP Ngayon.
DEVELOPING STORY: Subpoena para kina Atong Ang, Gretchen Barretto at nasa 60 pang iba pa, isinisilbi na ng mga tauhan ng Department of Justice (DOJ) para sa preliminary investigation kaugnay ng “missing sabungeros.” | via @saleema_refran, @gmanews pic.twitter.com/0NG2RmzdcG
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 10, 2025
Ang subpoena ay para sa preliminary investigation para sa mga reklamong serious illegal detention, multiple murder, at iba pa.
Nakatakdang isagawa ang unang pagdinig sa Setyembre 18.
Nauna nang itinanggi nina Ang, Barretto, at Estomo ang mga paratang laban sa kanila.
Bago nito, nagsampa si Ang sa Mandaluyong City Prosecutor's Office ng mga reklamo laban sa whistleblower na si Julie “Dondon,” na kinabibilangan ng conspiracy to commit attempted robbery with violence against or intimidation of persons, grave threats, grave coercion, slander, at incriminating against innocent persons.
Ayon kay Ang, pinagbantaan siya ni Patidongan na iuugnay siya sa pagkawala ng mga sabungero kapag tumanggi siyang magbayad ng P300 milyon.
Sinabi rin ni Barretto na nakatanggap din siya ng katulad na banta.-- mula sa ulat nina Joahna Lei Casilao/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

