Tinawag nina Senador Sherwin Gatchalian at ML Partylist Representative Leila de Lima na nakakahiya para sa bansa ang ulat na ipinatigil umano ni South Korean President Lee Jae-myung ang pagproseso sa P28-bilyong infrastructure loan para sa Pilipinas dahil sa alegasyon ng korupsiyon.
“Since na sabi nila, ayaw na nilang magpahiram o suspended muna ang pahiram dahil sa corruption, nakakahiya ‘yan. Ibig sabihin nakikita nila itong mga nangyayari sa DPWH [Department of Public Works and Highways] at ‘pag nagpahiram sila sa atin, tapos may ganitong korupsyon, mawawaldas ‘yung pinahiram sa atin,” ayon kay Gatchalian, Senate finance committee chairman.
Una rito, nag-post sa Facebook si South Korean President Lee Jae-myung tungkol sa pagpapatigil sa pagproseso ng naturang loan para sa Pilipinas. Pero sinabi ng Department of Finance na walang ganoong pautang ang South Korea sa Pilipinas.
Ayon kay Gatchalian, maaaring makaapekto sa infrastructure projects ng bansa ang usapin ng katiwalian.
“‘Yan ang isang challenge rin dahil malaking bahagi ng gastusin natin dito sa budget ay infrastructure—both locally-funded at foreign-funded. So may impact ‘yan sa pagde-develop natin ng mga tulay, kalsada, mga tren,” saad niya.
“Kaya kailangan maimbestigahan talaga, ma-restore natin ‘yung tiwala ng tao sa atin, at ma-restore natin ang tiwala ng ibang bansa dahil hindi sila magpapahiram sa atin kung alam nilang napupunta lang sa casino o sa bulsa ng mga tiwaling opisyales,” dagdag ng senador.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni De Lima na hindi masisisi ang ibang bansa kung magkaroon ng pagdududa sa kakayahan ng Pilipinas na magsagawa ng mga proyekto dahil sa isyu ng katiwalian.
"Tama lang na magduda ang ibang mga bansa sa kakayahan pa nating magsagawa ng mga proyekto nang walang kurakot. Kailangan din nilang isipin ang mga Pilipino na magbabayad sa mga utang na ibinulsa lang ng iilan,” ayon sa kongresista.
“Tama ang South Korea. Ipambibili lang ng mga Lamborghini at SUV ng mga demonyo sa gobyerno at kanilang mga kasabwat na kapitalista ang utang na binabayaran ng mga naghihirap na Pilipino. Hangga't hindi nalilipol ang mga magnanakaw, hindi natin masisisi yung mga nag-aalangan na magpautang ng nanakawin lamang,” dagdag pa niya.
Ayon kay De Lima, nasa P6.8 trilyon ang binabayaran umano ng bansa dahil sa inutang ng administrasyong Duterte, kumpara sa P1.3 trilyon na nautang mula sa pinalitan nitong administrasyong Aquino.
“Huwag nating kalimutan ang Pharmally sa gitna ng lahat ng imbestigasyon sa DPWH. Nagmistulang barya ang Pharmally sa laki ng ninakaw sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH,” sabi pa niya. – mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News

