Isang tama ng bala sa leeg ang tumapos sa buhay ng U.S. right-wing activist at commentator na si Charlie Kirk habang dumadalo sa isang pagtitipon sa isang unibersidad sa Utah. Binaril si Kirk matapos tanungin tungkol sa mga nangyayaring mass shooting sa Amerika.

Sa mga video na lumabas sa social media, makikita si Kirk, 31-anyos, na nakaupo habang sumasagot sa tanong nang biglang marinig ang isang putok ng baril. Bahagyan napahawak si Krik sa kaniyang leeg at natumba.

BASAHIN: Who is Trump ally and conservative activist Charlie Kirk?

Sa ulat ng Reuters, sinabi ni FBI Director Kash Patel na isang hindi pinangalanang "subject" ang idinetine para tanungin pero pinalaya rin kinalaunan.

"Our investigation continues and we will continue to release information in interest of transparency," saad niya sa social media.

Sinabi ni Governor Spencer Cox sa isang press conference na may tinatanong ang mga pulis na "person of interest," pero walang detalye na inilalabas tungkol sa pagkakakilanlan nito.

Sa naturang press conference din, sinabi ni Beau Mason, komisyuner ng ng Utah Department of Public Safety, na patuloy na nakalalaya ang shooter.

Hinihinala ng mga awtoridad na nasa isang malayong lugar ang shooter nang asintahin si Kirk habang nasa Utah Valley University sa Orem, Utah. Tinatayang nasa 3,000 tao ang dumalo sa naturang pagtitipon.

Iniutos ni US President Donald Trump na ilagay sa half-staff ang mga watawat sa mga tanggapan sa hanggang sa Linggo bilang alaala kay Kirk.

"The Great, and even Legendary, Charlie Kirk, is dead. No one understood or had the Heart of the Youth in the United States of America better than Charlie. He was loved and admired by ALL, especially me, and now, he is no longer with us," saad ni Trump sa social media.

Sinabi naman ni Cox sa press conference na, "This is a dark day for our state, it's a tragic day for our nation."

Tinawag niyang political assassination ang ginawa kay Kirk, na naulila ang asawa at dalawang anak.

Ang naturang pagtitipon sa Utah ang una sa plano niyang 15-event na "American Comeback Tour" sa mga unibersidad sa US. Sa naturang mga pagtitipon na dinadagsa ng mga kabataan at estudyante, iniimbitahan niya ang dumadalo sa debate sa iba’t ibang isyu, gaya ng abortion na tinututulan niya.

Bago barilin, tinatanong si Kirk tungkol sa gun violence.

"Do you know how many mass shooters there have been in America in the last 10 years?" tanong kay Kirk.

Tugon niya, "Counting or not counting gang violence?," na sinundan na ng putok ng baril.

Si Kirk ang co-founder ng grupong Turning Point USA, ang pinakamalaking conservative youth organization sa US, na isa sa mga kinikilalang nakatulong sa kampanya ni Trump para makuha ang suporta ng mga kabataan sa nakaraang presidential elections.

Mayroong 5.3 million followers sa X si Kirk, at may podcast at radio program na "The Charlie Kirk Show."  — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News