Inihayag ng Malacañang nitong Sabado ang pangalan ng ilang miyembro na bubuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na mag-iimbestiga sa mga maanomalyang flood control project.

Ito ang inilahad ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang pulong balitaan kasama ang ilang mamamahayag sa Palasyo. Itinalaga bilang miyembro ng komisyon sina dating Public Works secretary Rogelio "Babes" Singson at Rossana Fajardo, country managing partner sa auditing firm na SGV and Co.

Samantala, magsisilbi namang special adviser at investigator para sa ICI si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Gayunpaman, hindi pa pinangalanan ang chairperson ng independiyenteng komite.

Sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ang komisyon, na binubuo ng tatlong miyembro, batay sa reklamo o motu propio ay dapat magsagawa ng pagdinig, mag-imbestiga, tumanggap, mangalap, at magsuri ng mga ebidensya, intelligence reports at impormasyon, laban sa lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno, at iba pang indibiduwal, na sangkot sa mga anomalya, iregularidad, at maling paggamit ng mga pondo sa pagpaplano, pagpopondo, at pagpapatupad ng flood control ng pamahalaan at iba pang mga proyektong pang-imprastraktura sa buong bansa.

BIbigyang-priyoridad ng ICI ang pagsisiyasat ng flood control at iba pang mga proyektong pang-imprastraktura sa loob ng huling sampung taon mula sa bisa ng EO.

Ang ICI, batay sa mga natuklasan nito, ay dapat magrekomenda ng pagsasampa ng naaangkop na kriminal, sibil, at administratibong mga kaso o aksyon laban sa mga responsable, sa mga  naaangkop na disiplina, prosecutorial, at administratibong kinatawan, kagaya ng Opisina ng Pangulo, Office of the Ombudsman, the Department of Justice, and the Civil Service Commission upang siguruhin ang pananagutan, alinsunod sa mga nauugnay na batas, tuntunin at regulasyon.

Nangako si Marcos na magiging tunay na independyente ang komisyon.

Isiniwalat ni Marcos na hindi bababa sa 15 kontratista ang nakakuha ng karamihan sa mga proyekto sa pagkontrol sa baha sa buong bansa.

Ilang personalidad, kabilang ang mga mambabatas, ang nadawit sa mga maanomalyang, substandard, at mga ghost na proyekto sa baha.

Nagsasagawa ang Senado at Kamara ng kanilang imbestigasyon sa mga umano'y iregularidad na ito. —VBL GMA Integrated News