Dalawa katao ang napaulat na namatay matapos bumagsak ang isang civilian helicopter sa Pililla, Rizal nitong Martes ng umaga.

Sa isang pahayag, sinabi ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) na nangyari ang insidente 7:27 ng umaga sa Upper Barak, Barangay Quisao.

"Batay sa inisyal na ulat, may limang sakay ang helicopter na agad na naisugod sa Rizal Provincial Hospital sa Morong para sa karampatang lunas," sabi ng pulisya.

Batay sa ulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB, dalawa sa mga pasahero ang nasawi, ayon sa alkalde ng Pililla, Rizal na si John Masinsin.

"Initial reports show na mayroon pong limang passengers (with two foreign nationals) — two fatalities, one critically injured, two minor injuries and are in stable condition," sabi ni Masinsin sa isang Facebook post.

Sinabi ng Rizal PPO na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga kinauukulang ahensiya para matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng helicopter at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa lugar.

Maglalabas ng karagdagang impormasyon kapag nagkaroon na ng opisyal na resulta ng imbestigasyon, ayon sa pulisya. — VDV GMA Integrated News