Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si Kenneth Alcedo, na nakitaan ng doktor ng mga pinsala sa katawan gaya ng pangingitim ng mga labi, pagkatanggal ng ilang ngipin, duguan ang mga kuko at puro pasa sa mga hita.
Posibleng parte ito ng kaniyang "initiation rite."
Ayon sa mga magulang ni Alcedo, nagpaalam ang kanilang anak na magsu-swimming noong Linggo ng madaling araw kasama ang ilang kaklase.
Kalaunan, hindi na nila makontak ang anak at hindi rin ito umuwi sa itinakdang oras.
Nalaman na lang nila na nasa ospital si Alcedo nang balitaan sila ng dating niyang kaklase.
Ayon sa pulisya, dinala si Alcedo sa ospital ng tatlong lalaki pasado 3 p.m. ng Lunes.
Batay sa tatlo, nabangga ng sasakyan ang biktima kaya siya dinala sa ospital. Agad ding umalis ang mga nagdala sa kaniya.
Natunton na ng pulisya ang sasakyang ginamit ng tatlong lalaki pero abandonado na ito nang matagpuan.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa tatlong lalaki.
Nanawagan ang mga magulang ni Alcedo na sumuko na ang mga nanakit sa kanilang anak. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
