Pumanaw na ang British boxer at dating two-division world champion na si Ricky Hatton, sa edad na 46, ayon sa World Boxing Association nitong Linggo.

Binansagang "The Hitman," napanalunan ni Hatton ang WBA, IBO, at IBF light-welterweight titles at WBA welterweight world championship sa loob ng kaniyang 15-year professional career bago siya nagretiro noong 2012.

Nakatakda sana siyang bumalik sa ring at lumaban muli sa Dubai ngayong taon.

"A true champion, an indomitable spirit and a legend of the sport. Your legacy will live on in every fight and in the hearts of boxing fans around the world," saad ng WBA sa post sa Instagram.

Ayon sa Greater Manchester Police, may natagpuang katawan nitong Linggo ng umaga sa isang tirahan sa Hyde, hilagang bahagi ng lungsod ng Manchester sa England.

"The death is not being treated as suspicious," saad ng pulisya.

Nanalo si Hatton ng 45 beses sa 48 laban. Matapos magretiro, inamin niya na ilang beses niyang sinubukang wakasan ang buhay, at naging bukas sa kaniyang pakikipaglaban sa depresyon, alak, at droga.

"I was coming off the rails with my drinking and that led to drugs. It was like a runaway train," paglalahad niya sa BBC radio noong 2016.

May perfect 43-0 record si Hatton nang talunin siya ni Floyd Mayweather Jr sa Las Vegas noong 2007. Nalasap ni Hatton ang ikalawang kabiguan sa kamay ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao noong 2029.

"Today we lost not only one of Britain’s greatest boxers, but a friend, a mentor, a warrior, Ricky Hatton," ayon kay dating light-welterweight champion at kapuwa British boxer na si Amir Khan sa post sa X.

"Ricky, thank you for everything. For your fights, your moments of glory, your grit. Thank you for pushing us, showing us what’s possible ... you’ll always have your place in the ring of our memories."

Ayon sa Manchester City, magkakaroon ng isang minutong pagpaparangal kay Hatton bago ang laban nila kontra sa Manchester United sa Premier League ngayong Linggo. Isang tagahanga ng City si Hatton at madalas magsuot ng sky blue na shorts, kulay ng soccer club, sa kaniyang mga laban.

"Ricky was one of City’s most loved and revered supporters ... everyone at the club would like to send our heartfelt condolences to his family and friends," ayon sa lungsod.— ulat mula sa Reuters/FRJ GMA Integrated News