Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes ang inagurasyon at seremonya ng pormal na pagkakaloob ng mga bagong yunit ng pabahay sa San Pablo, Laguna. para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan.

Ayon kay Marcos, mahigit 1,000 yunit ng bahay at lupa ang inilaan partikular para sa mga pamilyang informal settlers na naapektuhan ng kasalukuyang konstruksyon ng Philippine National Railways (PNR) South Long Haul Project – Segment 2-7.

“Ang mga benepisyaryo ng proyektong ito ay mga informal settlers na dating nakatira sa kahabaan ng riles ng tren. At ngayon, masaya nating ipinagdiriwang na may mas ligtas, mas maayos na tahanan na mayroon kayong mauuwian na,” pahayag ni Marcos.

Binigyang-diin ng Pangulo na layunin ng pamahalaan na hindi lamang pahusayin ang pampublikong imprastruktura kundi magbigay rin ng ligtas at disenteng tahanan para sa mga nawalan ng tirahan.

Naisakatuparan ang proyektong pabahay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Transportation (DOTr), National Housing Authority (NHA), at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng San Pablo.

Ayon sa Presidential Communications Office, bahagi ito ng pangunahing programa sa pabahay ng administrasyon na Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program (4PH).

Ipinahayag din ni Marcos na kasama sa proyekto ang pagtatayo ng mahahalagang pasilidad publiko gaya ng isang paaralang elementarya, isang multipurpose covered court, health center, daycare center, terminal ng traysikel, at isang lokal na pamilihan.

Kasama ni Marcos sa naturang pagtitipon sina NHA General Manager Joeben Tai, at NHA Assistant General Manager Alvin S. Feliciano, mga group, regional at department managers, pati na rin ang mga kinatawan mula sa DOTr, DHSUD, at lokal na pamahalaan ng Laguna. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News