Pormal na nagsampa ang Department of Transportation at ang Land Transportation Office nitong Martes ng reklamo laban sa mga sinibak na Department of Public Works and Highways-Bulacan First District Engineer na si Henry Alcantara at Assistant District Engineer Brice Hernandez.

Ang reklamo ay tungkol sa paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o ang pamemeke ng mga dokumento, kaugnay ng naunang pag-amin nina Alcantara at Hernandez na gumamit sila ng mga pekeng lisensiya para makapasok sa mga casino.

“Kung maaalala n'yo po sa pagdinig sa Senado, bagama't may sinabi sila Henry Alcantara na 'yung lisensya ay ibinigay lamang ng [casino], hindi naman po nila tinatanggi na ginamit nila ang lisensyang 'yun at 'yan po ay isang krimen. So ang DOTr at ang LTO hindi po natin hahayaan na lapastanganin ninuman, mapa-opisyal o pribadong indibidwal, ang lisensya po ng DOTr at ng LTO. Mananagot po sila sa batas,” sabi ni DOTr Secretary Giovanni Lopez.

Dagdag pa niya, maaari ding sampahan ng kaso ang iba pang tinaguriang “BGC Boys” at umano’y supplier ng mga pekeng ID sa mga susunod na araw.

“Kasi ang aming pagsusuri, ito po ay pekeng lisensiya. So kailangan din namin silang imbestigahan… The investigation is ongoing now at inuna lang po namin sila District Engineer Alcantara and former Assistant District Engineer Brice Hernandez,” dagdag ni Lopez.

Sakaling mapatunayang nagkasala sina Alcantara at Hernandez, maaaring maharap ang dalawa ng maximum na anim na taong pagkakakulong at P1 milyon na multa.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News