Arestado ang isang 46-anyos na lalaking nakauniporme ng Philippine National Police matapos matuklasan na isa siyang pekeng pulis sa Navotas City. Ang lalaki, may nakabinbin palang arrest warrant at nahulihan din ng baril.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing dinakip ang lalaki sa bahagi ng Marikit Street sa Barangay Tanza Uno.
Lumabas sa imbestigasyon na taga-Malabon ang lalaki at isang welder.
Sinabi ng pulisya na nagsasagawa sila ng covert patrol operations nang makita ang suspek.
Agad nilang napansin ang suot nitong uniporme dahil hindi ito isinusuot sa mga estasyon ng pulisya, kundi karaniwang isinusuot ng mga pulis na nasa District and Regional Mobile Force Battalion.
Hindi rin umano itineterno sa shorts na suot na damit ng suspek nang araw na masita siya.
“And another red flag doon is 'yung tattoo niya sa left arm, which is visible. 'yung mga pulis kasi natin, may mga tattoo man ‘yan, pero usually hindi siya naka-expose. We found out na hindi nga siya pulis or dismissed and nu’ng kinapkapan, may nakuha tayong baril. Ang rason niya, parang trip niya lang siguro para hindi siya basta-basta masisita,” sabi ni Police Colonel Renante Pinuela, Chief of Police ng Navotas City Police Station.
Natuklasan pa ng pulisya na may nakabinbin ding warrant of arrest ang lalaki na inisyu ng korte sa Malabon para sa anti-littering. Dati na rin siyang nabilanggo dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Napag-alaman na nasintensyahan siya na makulong ng apat na taon at nakalaya noong 2021.
Nasa kustodiya na ng Bureau of Jail Management and Penology ang suspek, na nasampahan na ng reklamong paglabag sa Article 179 o ang Illegal Use of Uniforms or Insignia, at paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Hinihintay din ng mga awtoridad ang ballistic examination sa baril ng suspek upang matukoy kung nasangkot na ba ito sa krimen.
Inaalam din kung ano ang posibleng transaksyon ng suspek sa lugar kung saan siya nahuli ng awtoridad.
Patuloy na sinisikap ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng suspek.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
