Inihayag ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon nitong Huwebes na tinanggap niya ang courtesy resignation ni DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral,  na isa sa mga sangkot sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Ginawa ni Dizon ang kumpirmasyon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee, at sinabing nagsumite si Cabral ng kaniyang pagbibitiw dalawang gabi ang nakararaan.

“I think she wrote a letter, she informed me by a message late last night that she had written the committee to inform the committee of the acceptance of her courtesy resignation and thus requested not to attend [the hearing],” saad ng kalihim.

“But of course even if she’s now just a private citizen and no longer part of the DPWH, I‘m sure if the committee will require her to attend, she still must attend but now no longer as an official of DPWH but as a private citizen,” dagdag ni Dizon.

Gayunman, sinabi ni Senator Rodante Marcoleta, na dating chairman ng komite, na hindi dahilan ang pagbibitiw ni Cabral para hindi siya managot at dumalo sa pagdinig ng Senado.

“Kahit na mag-resign po siya, it will not matter to us. There are personal questions that we need to ask,” sabi ni Marcoleta, na sinang-ayunan ng bagong panel chairman na si Senator Panfilo “Ping” Lacson.

Matapos nito, nag-mosyon si Marcoleta na mag-isyu ng subpoena laban kay Cabral, na sinegunduhan ni Senador Erwin Tulfo.

Inaprubahan ni Lacson ang mosyon matapos walang tumutol na senador.

Sa kabila ng pagbibitiw ni Cabral, nangako si Dizon na ipagpapatuloy pa rin ng DPWH ang kanilang sariling imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng flood control project.

Sa pagdinig ng House committee on public works and highways noong nakaraang linggo, kinumpirma ni Cabral ang P51 bilyong halaga ng infrastructure projects para sa 1st district ng Davao City sa huling tatlong taon ng termino ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi rin ni Lacson na isang staff ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang nakatanggap umano ng tawag mula kay Cabral, upang magtanong kung mayroong nais na ipalagay na pondo ang senador para sa proyekto sa 2026 National Expenditure Program (NEP).

Kinumpirma ni Sotto ang sinabi ni Lacson, na idinagdag na may nagsabi sa kaniya tungkol sa alok ni Cabral na kaniyang tinanggihan.—Giselle Ombay/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News