Humingi ng proteksiyon sa Senado ang may-ari at manager ng SYMS Construction Trading na si Sally Santos dahil nangangamba siya sa kaniyang kaligtasan matapos nilang mapansin na may umaali-aligid umanong sasakyan sa kanilang bahay.
Sa pagpapatuloy ng Senate blue ribbon committee hearing sa mga maanomalyang flood control project nitong Huwebes, tinanong ni Senador Ronald dela Rosa si Santos kung bakit siya nangangamba sa kaniyang kaligtasan.
Tinukoy din niya sina dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Hernandez at construction division chief Jaypee Mendoza, na maaaring manakit sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
"Nung nakaraang hearing masyadong free flowing ka magsalita, normal na normal, natural na natural, ngayon napansin ko na may apprehension ka na, parang takot ka. Meron bang nananakot sa 'yo? Meron ka bang kinatatakutan? Bakit biglang nagbago ang demeanor mo?" sabi ni Dela Rosa kay Santos.
Ayon kay Santos, may mga sasakyang makapal ang tint na umaaligid umano sa kanilang bahay.
"Kasi po sa bahay ko po marami pong umiikot na mga sasakyan, hindi po namin malaman kung sino ang sakay, tinted po 'yung window ng mga sasakyan... ang tagal po hindi po namin malaman kung sino ang sakay sobrang tinted po nu’ng mga sasakyan," sabi pa niya.
Tinanong ni Dela Rosa kung sino sa tingin ni Santos ang gumagawa nito sa kaniya, at sumagot naman ang contractor: "Ang puwede lang naman pong gumawa sa akin nito sina Engr. Brice at saka sina Engr. Jaypee."
Itinanggi naman ni Hernandez ang alegasyon.
"Wala po, hindi ko po iniisip 'yun,” sabi ni Hernandez nang tanungin siya ni Dela Rosa tungkol dito.
Bago nito, humingi ng proteksyon si Santos mula sa Blue Ribbon committee.
"Mr. Chair, Your Honor, puwede po ba bago ako magsalita, puwede bang humingi po ako ng proteksiyon?" sabi ni Santos.
"Basta po proteksiyon kasi natatakot po [ako]," dagdag niya.
Nauna nang inamin ni Santos na nagde-deliver siya ng humigit-kumulang P245 milyon sa isang opisina ng Department of Public Works and Highways sa isang araw. Dagdag niya, maaaring nakapaghatid na siya ng aabot sa P1 bilyon sa tanggapan ng DPWH mula 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi rin ni Santos na inutusan siya ni Hernandez na humiram ng mga lisensya ng mga kontratista para sa mga proyekto nito. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

