Nagtungo sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes ang mag-asawang kontratista na sina Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya upang sumailalim sa pagsusuri kaugnay ng kanilang kahilingan na maisailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng pamahalaan.

Dumating si Curlee sa DOJ compound dakong 8:00 am na kakasuot ng bullet-proof vest at sinamahan ng mga tauhan mula sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms at ng PNP Police Security and Protection Group.

Dakong 10:30 am naman dumating sa DOJ si Sarah.

 

 

Umalis ang mag-asawa sa DOJ dakong 12:30 p.m.

Babalik si Curlee sa Senado kung saan siya kasalukuyang nakadetine matapos ma-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pagsisinungaling umano tungkol sa dahilan kung bakit hindi dumalo si Sarah sa imbestigasyon nitong Huwebes tungkol sa mga kuwestiyonableng flood control projects.

Sa isang ambush interview, sinabi ng tagapagsalita ng DOJ na si Mico Clavano na makikipagpulong sina Discaya kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at sa direktor ng WPP.

Babasahin umano ni Curlee ang kaniyang affidavit upang suriin ni Remulla kung sapat ang impormasyong kaniyang hawak.

“Kailangan po maging truthful, kailangan po sabihin ang lahat ng nalalaman nila. We cannot afford to be selective in this process dahil po that will affect, no, their application sa pagiging protected witness,” ani Clavano.

Nauna nang nagpahayag ng interes ang mag-asawang Discaya na maging state witnesses, kapalit ng pagbubunyag ng mga pangalan ng mga kongresista, staff, at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot umano sa korupsiyon kaugnay ng flood control projects.

Gayunman, sinabi noon ni Remulla na hindi naging bukas ang mag-asawa sa pagbibigay ng impormasyon kaya hindi niya sinuportahan ang kanilang aplikasyon bilang state witnesses.

Kailangan din umanong isauli ng mga Discaya ang anumang ill-gotten wealth o perang nakuha sa ilegal na paraan, kung mayroon man, bago sila maituturing na karapat-dapat maging state witness.

Ayon kay Clavano, malamang na talakayin ni Remulla ang posibilidad ng pagsasauli ng naturang pera, bilang pagpapakita ng sinseridad.

“It shows sincerity of the witnesses if they are willing to acknowledge that they have taken money in an illegal manner such as corruption before they are able to tell the truth, and I think it will supplement the truth if they are able to give back what is not rightfully theirs,” anang opisyal.

Nang tanungin kung ano ang mangyayari kung mapatunayang nagsisinungaling ang testigo, iginiit ni Clavano na ang proteksyon ay isang “pribilehiyo.”

Aniya, maaaring madetine o kasuhan ng perjury ang testigo.

“At any given time, if the truthfulness is attacked or we find out that there are— their statements [are] meant to derail or distract the investigation, that privilege can be taken away as well,” pahayag ni Clavano.

Hinimok din ni Clavano ang lahat ng posibleng testigo na maging handang magsabi ng totoo at huwag guluhin ang imbestigasyon.

Samantala, sinabi rin ni Clavano na wala silang natanggap na tugon mula kay Sarah Discaya.

Ipinaliwanag din niya ang pagkakaiba ng “protected witness” sa ilalim ng WPP at “state witness” na kailangang i-discharge ng korte.

“Kumbaga po, we will see kung may risk sa kanilang buhay at kung worthy sila sa protection ng WPP,” saad niya.

Sinabi ni Clavano, na bukas ang DOJ sa sinumang nais magsilbing testigo.

“We want to ensure the safety of all the witnesses who are willing to come out. And this is actually an offer to all those who want to be protected as witnesses if they have anything or any information that they can share with the department,” ani Clavano.

“This is a call to all those who are involved to come forward with their information para ma-evaluate po natin,” dagdag niya.

Dagdag pa niya, lahat ng kaso ay kailangang dumaan sa screening at vetting ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Aniya, hindi nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang DOJ kung hindi bahagi ng “concerted effort” kasama ang ICI.

“You can expect in the next few days na mag-coordinate na lang po kami kay ICI to determine and identify what the mechanisms are,” dagdag niya. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News