Isang lalaki na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ang nasawi dahil sa saksak sa nangyaring kaguluhan sa Recto, Manila nitong Linggo ng gabi kasunod ng mga protesta laban sa katiwalaan.

Ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Lunes, idineklarang dead on arrival sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) ang lalaki.

Mayroon pa umanong 48 iba pa ang dinala sa ospital dahil sa mga tinamong sugat.

Kabilang sa mga sugatan ang dalawang pulis.

Ayon sa DOH, anim ang nagtamo ng tama ng bala, isa ang may hiwa sa paa, at may mga nagtamo ng suagat sa mata, ulo, at braso.

Bukod dito, may 39 na kasali umano sa rally ang sumailalim sa physical examination matapos silang arestuhin.

“Tinitiyak ng DOH na sakop pa rin ng Zero Balance Billing ang mga pasyenteng ito,” ayon sa pahayag ni Health Secretary Ted Herbosa.

Una rito, inihayag ng Manila Police District na umabot sa 113 katao ang inaresto dahil sa pambabato, paninira ng mga gamit at pagsusunog ng mga goma sa nangyaring protesta.

Nasa 93 na pulis naman ang nasugatan.

Sa nasabing bilang ng mga dinakip, sinabi ng MPD na 51 sa mga ito ang naaresto sa Ayala Bridge, 21 sa Mendiola, at 41 sa Recto.

Kabilang sa mga naaresto ay mga minor de edad. – mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News