Sinabi ng dating Bulacan 1st assistant district engineer na si Brice Hernandez na nakapagdala siya ng tinatayang P1 bilyong pera sa isang tauhan ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co. Ang pera, sa mga maleta umano nakalagay.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Martes, ikinuwento ni Hernandez kung papaano umano dinadala kay Co ang mga pera.

Kasunod ito ng pagsisiwalat ng dati niyang boss na si dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara, kung papaano naman nila hinahati-hati ang “komisyon” ng ilang mambabatas mula sa nakukuha nilang pondo na inilalaan sa flood control projects.

“Nag-deliver din po kami ng pera pero hindi po directly sa kaniya… Hindi po namin directly nakita si Cong. Zaldy. Ang pinakausap po sa amin, ‘yung tao niya pong pangalan ay Paul,” ayon kay Hernandez.

“Maraming maleta po ng pera ‘yun, Your Honor. Tingin ko po, bilyon po ‘yun,” dagdag pa niya.

Kuwento ni Hernandez, nakalagay ang mga pera sa 20 maleta na isinasakay sa anim o pitong van. Inihahatid ito sa isang hotel sa Taguig City kung nasaan ang tauhan umano ng mambabatas.

Ayon pa kay Hernandez, nasa P50 milyon ang pera na nakalagay sa isang maleta.

Sinabi naman ni dating Bulacan 1st district engineering office construction division chief Jaypee Mendoza, na bukod sa hotel, naghahatid din sila ng pera sa isang exclusive country club sa Pasig City.

Sa nakaraang pahayag, itinanggi ni Co na nakinabang siya sa mga kickback sa flood control projects. Itinanggi rin niya na nagsingit siya P13 bilyon para ilaan sa mga proyekto sa 2025 national budget.

Wala sa Pilipinas si Co, na unang iniulat ng nasa Amerika dahil sa usapin sa kalusugan. Pero nitong Lunes, iniulat na posibleng nakaalis na ng US ang mambabatas at walang nakakaalam kung nasaan siya ngayon.

Kamakailan lang, binawi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang travel clearance ni Co, at inutusang umuwi kaagad para harapin ang mga paratang laban sa kaniya.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News