Sumuko sa mga awtoridad ang 52-anyos na watch technician na umaming sumaksak at nakapatay sa isang 15-anyos na binatilyo sa gitna ng kaguluhan sa nangyaring protesta noong Linggo, September 21 sa Recto, Manila. Giit ng suspek, nabigla siya dahil sa nangyaring kaguluhan sa tapat ng puwesto ng kaniyang hanapbuhay.
Nitong Miyerkoles, iniharap ni Manila Mayor Isko Moreno sa media ang suspek na may puwesto ng pagawaan ng relo sa Recto.
Ayon kay Moreno, sinabi ng suspek na case knife ang ginamit niyang patalim sa pagsaksak sa biktima.
Sinabi ng suspek na nabigla siya dahil sa pagsugod ng grupo ng kalalakihan at tinangka umanong sirain ang kaniyang ikinabubuhay at mga nakaparadang motorsiklo.
“Nabigla lang ako, hindi ko sadya,” saad ng suspek.
Ikinalungkot ni Moreno ang nangyari sa pagkasawi ng binatilyo na mula sa Taguig, nang dahil sa naturang kaguluhan.
“Mga bata, ang magulang niyo walang masamang iisipin para sa inyo. Kaya pinapanawagan ko, ‘wag tayo magpadalos-dalos. Sayang ang buhay, sayang ang kinabukasan. Makinig kayo sa magulang niyo,” payo ng alkalde.
Nagpaalala rin si Moreno sa lahat na maging mahinahon upang maiwasan ang karahasan.
“It turned out it’s an ordinary citizen trying to protect his property and afraid of his life, caught in the middle of a chaotic and unruly riot,” saad ng alkalde. “I know, mahirap, lalo na kung gusto mong proteksyunan ang iyong sarili at iyong naipundar. But buhay, hindi na natin maibabalik.”
Nangyari ang kaguluhan sa harap ng demonstrasyon kontra-katiwalian noong Linggo na nauwi sa riot sa bahagi ng Recto at Mendiola.
Ilang ari-arian ng mga pribadong establisimyento at pamahalaan ang nasira, kabilang ang mga stop light.
Ayon kay Moreno, umabot na sa P10 milyon ang inabot na pinsala sa nangyaring kaguluhan.— FRJ GMA Integrated News

