Natagpuan na ang labi ng babaeng walong-taong-gulang na tinangay ng malakas na agos ng tubig sa creek sa Culiat, Quezon City. Ang kaniyang mga labi, nakarating sa Sta. Mesa, Maynila.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nadulas ang biktima sa makipot na daanan sa labas ng kanilang bahay at nahulog sa katabing creek nitong Martes ng umaga.
Ayon sa ama ng bata, nakasigaw pa para humingi ng tulong ang kaniyang anak nang mahulog ito sa creek.
Isang anak naman niya ang nagtangkang saklolohan ang biktima pero hindi nito nakuha ang batang kapatid dahil sa lakas ng agos ng tubig dahil kasagsagan noon ng malakas na ulan.
Kaagad na nagsagawa ng search and rescue ang mga tauhan ng City Disaster Risk Deduction and Management Office sa creek pero nabigo silang mahanap ang bata.
Kinahapunan nitong Martes, nakita ang bangkay ng biktima sa isang creek sa bahagi na ng Sta. Mesa sa Maynila.
Nanawagan ng tulong ang ama ng bata para maiburol at mailibing ang kaniyang anak. – FRJ GMA Integrated News
