Sinuspinde ng Malacañang ang klase sa mga paaralan sa lahat ng antas-- pampubliko at pribado-- gayundin ang pasok sa mga sangay ng pamahalaan sa Huwebes, September 25, 2025 dahil sa inaasahang magiging epekto ng bagyong “Opong.”
Ang mga lalawigan ay ang Sorsogon, Masbate, Northern Samar, at Eastern Samar.
Kanselado naman ang mga klase sa lahat ng antas sa Quezon, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Samar, at Biliran para matiyak ang kaligtasan ng publiko.
"However, agencies responsible for basic, vital, and health services, preparedness, and response duties must continue to remain operational to ensure continuity of essential government functions," saad ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa Memorandum Circular No. 101.
Idinagdag ng opisyal na ang non-essential government employees na hindi kabilang sa mga pangunahing serbisyo ay maaaring magtrabaho sa ilalim ng mga aprubadong alternative arrangements, alinsunod sa mga umiiral na batas, alituntunin, at regulasyon.
Sinabi rin ni Bersamin na maaaring ipatupad ng mga lokal na pamahalaan sa ibang mga rehiyon ang kanselasyon o suspensyon ng klase at/o trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan, alinsunod sa mga kaukulang batas, alituntunin, at regulasyon.
WALANG PASOK: Mga suspendidong klase sa Huwebes, September 25, 2025
Samantala, ang suspensyon ng trabaho sa mga pribadong kumpanya at opisina ay nakadepende sa pagpapasya ng kanilang mga pinuno.
Dakong alas-2 ng hapon, si Opong ay namataan sa layong 705 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte. Bahagya rin itong lumakas.
Nakataas ang Signal No. 2 sa mga bayan ng San Policarpo, Oras, Jipapad, at Arteche sa Eastern Samar.-- mula sa ulat ni Mariel Celine Serquina/FRJ GMA Integrated News
