Nabisto sa isang condominium unit ang isang scam hub na gumagamit ng artificial intelligence o AI matapos itong salakayin ng mga awtoridad sa Mandaluyong City. Ang amo nito, isang Malaysian at pinatatakbo ng 14 na Pinoy.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagsalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group - National Capital Region (CIDG-NCR) sa unit sa bisa ng isang search warrant, at dinatnang nakabukas pa ang mga computer.
“Ginamit nila ito is dalawang floor eh. 'yung 7th floor and 8th floor na unit,” sabi ni Police Lieutenant Colonel John Guiagui, hepe ng CIDG-NCR.
Sinabi ng CIDG na dalawang beses umano sa isang buwan kung lumabas ang mga suspek para maiwasang mahuli.
“Nagtatago na talaga sila. Guerilla type, clandestine na ito eh. So kuwarto kuwarto na lang. Nasa isang unit sila, doon na sila natutulog. Doon na rin sila kumakain. Halo ang babae o lalaki roon,” ani Guiagui.
May kaugnayan sa malaking sindikato sa Cambodia ang love scam at investment scam ng grupo na gumagamit umano ng high-tech na software.
“AI 'yung ginagamit nila, hindi na model ng babae. ‘Yun 'yung ipinu-front nila sa camera nakakapag-engganyo ng foreigners. Kunwari makikipag-usap, magpapadala ng pera. Ipinantatakot nila to expose such person ‘pag hindi magpadala pa ng pera. Yun 'yung scam nila dito,” sabi ni Guiagui.
Papel ng mga Pilipino ang maging spammer at customer service representative at kadalasang mga foreign national at mayroon din mga Pilipino ang binibiktima.
“Isesend po namin 'yung picture nu’ng model para po maniwala si client na totoong babae po kami. Kapag nakuha na po namin lahat ng identity ni client po, ibibigay na po namin sa CSR po,” sabi ng isa sa mga suspek.
“Pag naipasa na po sa amin ng spammer 'yung potential victim, meron po kami three days para kuhanin 'yung loob niya. Para alam po namin kung capable po siya mag-invest sa fake platform na ginagamit namin,” sabi ng isa pang naarestong suspek.
Nahaharap sa reklamang paglabag sa Cybercrime Prevention Act ang mga suspek.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng panig ang dinakip na Malaysian na nakatakdang ilipat sa Bureau of Immigration matapos madiskubreng paso na ang kaniyang travel documents. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
