Inilahad ng ilang residente sa Masbate ang nakatatakot nilang karanasan nang humagupit ang bagyong “Opong” na nanira ng maraming bahay at mga pananim, at nagpatumba sa mga poste ng kuryente.

"Akala ko last day na namin. Super lakas ng hangin," saad ni Frances Anonuevo, chairwoman ng Barangay Centro, sa ulat ni JP Soriano sa GMA News 24 Oras Weekend.

Nasa siyam katao na ang iniulat na nasawi sa Masbate, may 150,000 naman ang naapektuhan.

Inilagay na ang Masbate sa state of calamity dahil sa tinamong matinding pinsala dahil sa bagyo.

Ang magkapatid na Ching at Errol Bantayan, nagkubli sa kung ano ang natira sa kanilang bahay na kabilang sa maraming tirahan na nawasak sa tindi ng lakas ni Opong.

"Malakas 'yung hangin, hindi namin alam kung saan kami pupunta. Nabagsakan ng puno ang bahay. Hindi naman alam kung paano kami mag-uumpisa," umiiyak na sabi ni Ching.

"Pangulong Marcos, humihingi kami ng tulong sa 'yo (Pres. Marcos)," pagsusumamo naman ng emosyonal na si Errol.

Itinuturing ng ilang residente na mala-Super Typhoon Yolanda ang lakas ni Opong na nag-iwan ng matinding pinsala sa lalawigan, kabilang sa punong lungsod nito.

Nagtungo na ang GMA Kapuso Foundation sa lalawigan upang mahatid ng food packs at iba pang essential items sa may 2,000 pamilya. —FRJ GMA Integrated News