Nagbitiw bilang kongresista si Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co sa harap ng alegasyon ng katiwalian sa paggamit ng pondo para sa flood control projects at pagsisingit ng pondo sa 2025 national budget, na kaniyang itinanggi.

Sa kaniyang Facebook account, nag-post si Co ng kaniyang sulat para kay Speaker Faustino "Bojie" Dy III na may petsang September 29.

"On the account of the real, direct, grave and imminent threat to the lives of my family and me, and the evident denial of my right to due process of law, I am constrained to tender with immediate effect my irrevocable resignation as a member of the House of Representatives," saad ni Co.

Nangyari ang pagbibitiw ni Co sa harap ng rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman ng pagsasampa ng reklamong graft, malversation, at falsification laban sa kaniya at ilan pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Oriental Mindoro.

Kaugnay ang rekomendasyon ng ICI sa P289.5 million road dike project sa Mag-Asawang Tubig River sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ayon kay ICI executive director Brian Hosaka, ipinatupad ng DPWH sa Region IV-B ang naturang flood management project sa pamamagitan ng kontratistang Sunwest Inc., na dating may kaugnayan si Co.

Kabilang sa mga pinakakasuhan sina MIMAROPA DPWH Regional Director Engr. Gerald Pacanan, Assistant Regional Directors Gene Ryan Altea, Ruben Santos Jr., at 10 iba pa, ayon sa ulat ni Glenn Juego sa Super Radyo dzBB. 

Kapalit ni Co

Ayon kay Co, ipapaalam ng Ako Bicol Partylist sa tanggapan ni Speaker Dy kung sino ang kaniyang magiging kapalit sa posisyon bilang kinatawan ng kanilang party-list group.

“In light of my irrevocable resignation, I will make the necessary arrangements for my office at the Batasang Pambansa to be cleared of my personal belongings in order that the substitute nominee of the Ako Bicol Partylist may seamlessly transition into her or his role as its representative,” saad niya sa sulat.

Sa hiwalay na sulat niya sa Ako Bicol party-list, sinabi ni Co na iiwan muna niya ang kanilang organisasyon bagaman patuloy ang paglilingkod sa publiko ng kanilang partido.

“It is with great sadness that I inform you that I will be taking a leave of absence from the Ako Bicol Partylist starting today until such time as it is safe for me to return to the Philippines to resume my duties as a member and representative of our organization and to address the many false claims being made against me,” ani Co.

'Pamilya nasa panganib'

Sinabi ni Co na ang mga paratang na ibinulsa niya ang bilyon-bilyong piso mula sa pondo ng bayan sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga proyekto sa flood control ay nagkondisyon sa isipan ng publiko para hatulan at kamuhian siya at ang kanyang pamilya sa puntong nanganganib na ang kanilang buhay.

“All I can tell you now is that the accusations being made against me are false. In due time, I will give my statements on the matter. At present, I can only stay silent to protect my family and myself. We are in grave danger,” dagdag ni Co.

Kinumpirma ng Philippine National Police nitong Lunes na binawi na ang limang police escorts na nakatalaga kay Co matapos siyang umalis ng bansa, at hindi pa rin malinaw kung nasaan siya ngayon.

Mariing itinanggi ni Co na tumanggap siya ng pera mula sa mga proyekto ng gobyerno para sa flood control, at sinabi niyang balak niyang bumalik sa bansa upang linisin ang kaniyang pangalan.

Noong nakaraang linggo, hiniling ng DPWH sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang P4.3 bilyong halaga ng air assets na pag-aari umano ni Co at ng kaniyang pamilya, kasabay ng malawakang hakbang ng gobyerno laban sa mga umano'y ill-gotten wealth ng mga personalidad na sangkot sa isyu ng flood control projects. -- mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News