Naniniwala si Vice President Sara Duterte na hindi na matatag ang administrasyong Marcos sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian na dawit ang ilang mambabatas. Pero sagot ng Palasyo, "Isang malaking kasinungalingan na naman 'to.'

Ginawa ni Duterte ang pahayag sa isang press conference sa Senado nitong Lunes matapos aprubahan ng finance subcommittee sa loob ng wala pang isang oras ang panukalang P902.895 million budget ng Office of the Vice President para sa 2026.

Nang tanungin ng mga mamamahayag kung sa tingin niya ay nananatiling matatag ang gobyerno sa gitna ng mga isyu ng korupsiyon, sinabi ni Duterte na: “Hindi.”

“Our institutions are clearly abused. They are used for personal gain…and we have already seen the testimony of witnesses about corruption and there is practically nothing happening in our country,” ayon kay Duterte.

“Nakailang ulit ko na ‘yan sinasabi noon na tigilan ‘yung pulitika, tigilan ang pag-una ng pansariling interest kasi walang nangyayari sa ating bansa. Meron ba kayong nakikita at all na project na nakatulong sa ating bayan? Wala,” dagdag niya.

Gayunman, tumanggi si Duterte na magbigay ng pahayag hinggil sa morale ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Hindi ko alam. Hindi ako makapagsalita sa morale ng mga sundalo. Siguro pinakamabuti na magsalita patungkol sa morale ay sila na mismo ang magsabi,” pahayag niya.

Nauna nang tinawag ng AFP na walang basehan at malisyoso ang mga usap-usapan tungkol sa destabilisasyon at plano umanong kudeta laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang pahayag ni Duterte ay salungat sa sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin kamakailan na nanatiling “napakatatag” ang pamahalaan sa kabila ng mga umano’y anomalya sa mga proyekto sa flood control na sangkot ang ilang opisyal.

Sinabi ni Bersamin na wala siyang nakikitang banta sa gobyerno, kahit na lumulutang ang pangalan ng ilang mambabatas sa mga pagdinig tungkol sa isyu ng flood control.

Sinabi naman ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na kasinungalingan ang sinasabi ni Duterte.

''Isang malaking kasinungalingan na naman 'to. Alam natin na matatag ang ating gobyerno, ang pamahalaang... ang administrasyong Marcos Jr., ito ay ginigiba lamang ng mga obstructionists na tulad nila,'' saad ni Castro sa Palace reporters.

''Malamang hindi nila nakikita ang ginagawa ng Pangulo dahil bulag sila, nagbubulag-bulagan, nakapikit ang mata,'' dagdag niya. — mula sa ulat nina Giselle Ombay/Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News