Huli sa CCTV ang pagnanakaw ng isang babae sa cellphone ng lalaking bantay ng isang printing shop sa Tondo, Maynila nitong Linggo.
Sa kuha ng CCTV, makikitang napahinto sa paglalakad ang babaeng suspek sa bahagi ng Blumentritt Road sa Maynila pasado alas-sais ng umaga nitong Linggo.
Bahagya siyang lumapit sa isang printing shop habang nagmamasid sa lugar.
Ilang saglit lang, dali-dali niyang tinangay ang cellphone ng biktima na nasa tabi lang nito at mabilis na tumakas.
Sa kuwento ng may-ari ng printing shop, pamangkin niya ang biktima na nakaidlip pala habang nanonood ng K-drama.
“'Yung mga tricycle dito may nag-ano na dito, nakita na nila, napansin, akala customer lang,” kuwento ni RJ Alipat, may-ari ng printing shop.
Ito na raw ang ikatlong beses na nakuhanan ng cellphone ang kanyang mga bantay sa kanilang shop.
Sa kuha namang ito noong mga nakaraang buwan, makikita na bumili pa ng sigarilyo ang isang lalaki.
Ilang saglit lang, kinuha na niya ang cellphone ng bantay na nakaidlip din noon.
Nagkaroon din umano ng insidente na natangay din ng mga kawatan ang kanyang alkansiya.
“Actually noong nakuhanan ako ng barya, almost P15,000 po 'yun, kasi iniipon ko po 'yung baryang 'yun,” kuwento ni RJ.
Naisipan ni RJ na maglagay na ng CCTV sa kanyang printing shop dahil palagi na lang nangyayari ang nakawan.
Sabi naman ng barangay, hindi nila residente ang suspek sa pinakabagong insidente ng krimen.
Magsasagawa raw sila ng imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan nito.
“Yes po, pagka ano, tsaka may mga pulis, kasama namin 'yan, bina-bactrack ho namin 'yan," ani Kagawad Anthony Benoza ng Barangay 209.
Nagpaalala rin si Benoza sa publiko na maging maingat sa kanilang mga valuables.
“Tsaka 'yung mahahalagang gamit natin, lagi natin itago sa tamang lugar kasi magpa-Pasko na po ngayon," aniya. —KG GMA Integrated News
