Nasawi ang isang motorcycle rider habang sugatan ang kaniyang asawa matapos silang masalpok ng isang nag-counterflow at pagewang-gewang na jeep sa Camarin, Caloocan City. Ang driver ng jeep na tumakas matapos ng insidente, pinaghahanap.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang isang video ng biglang pag-counterflow ng isang humaharurot na jeep sa F.S. Samano Road noong Sabado.

Ilang saglit lang, nabundol na ng jeep ang isang motorsiklo na nasa tamang lane.

Tumilapon ang mag-asawang sakay ng motorsiklo sa lakas ng impact. Tinulungan sila ng mga rescuer ng barangay na napadaan sa lugar.

Dinala sa ospital ang mag-asawa, ngunit pumanaw kalaunan ang 32-anyos na lalaking rider habang naka-confine pa ang 29-anyos niyang asawa.

Matindi ang pagkakawasak ng motorsiklo habang bumalagbag ang jeep sa gilid ng kalsada.

Tumakas ang jeepney driver matapos ang insidente.

Sinabi ng mga kaanak ng mga biktima na ihahatid lang sana ng rider ang kaniyang misis sa trabaho. Naulila ng rider hindi lang ang kaniyang asawa kundi pati ang dalawa nilang anak na babae na mga edad 13 at 4.

Nanatili sa ospital ang babaeng biktima at kailangan sumailalim sa dalawa pang operasyon.

“Kailangan pa niyang operahan sa may left arm niya tapos sa may balakang kasi bali rin. 'Yung paa naman niya naoperahan na kahapon at okay naman 'yung operasyon niya, naging successful naman,” sabi ng hipag ng angkas.

Nagpaabot ng paunang tulong pinansyal ang operator ng jeep.

Sinabi ng Caloocan Police na natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng tumakas na jeepney driver na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injuries and damage to property.

“Sana po magpakita na po siya kasi hindi namin alam kung saan namin kukunin 'yung mga pinansyal kasi napakalaki ang gastusin,” sabi ng nanay ng rider.

“Sana sumurrender na siya para mabigyan naman ng hustisya 'yung pagkamatay ng asawa ng hipag po. Kasi nahihirapan din kami paano i-explain sa hipag ko na wala na 'yung asawa niya,” sabi ng hipag ng babaeng angkas. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News