Natuklasan ng Department of Agriculture na ‘di umano'y may "ghost" na farm-to-market roads na nagkakahalaga ng P75 milyon sa Mindanao, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Martes.

Sa kaniyang panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Tiu Laurel na tila isolated case ang nadiskubre ng DA.

''Sa ngayon initial reports pa lang at hindi naman ganoon kalaki in terms of the whole FMR projects, isolated case pa ang nakita namin sa Region XI at meron din sa may Zamboanga City,'' sabi ni Tiu Laurel.

''We’re talking about maybe five kilometers ang nakikita namin, 'yun pa lang so initial pa lang ‘to. ‘Yung value noon nasa P75 million siguro,'' dagdag niya.

Sinabi niyang mula 2021 hanggang 2022 pa ang proyekto, at ipinuntong patuloy ang imbestigasyon ng DA sa isyu. Sinabi ni Tiu Laurel na natukoy ng ahensiya ang mga malilit na mga kontratistang sangkot sa proyekto.

Sinabi ni Tiu Laurel na hindi bahagi ang mga kontratista sa 15 malalaking kontratista, na una nang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr., na nakakuha ng karamihan sa mga flood control project sa bansa.

''Ah wala, per kilometer nito nasa P15 million lang eh, this is a very small contract,'' ani Tiu Laurel.

Para sa kalihim ng DA, hindi rin ito bahagi ng ''insertion'' sa budget.

''I don't think this is an insertion, nasa GAA namin to basically...but of course implementing agency nito DPWH,'' sabi niya, at ipinuntong nakipag-ugnayan na siya kay Public Works and Highways Secretary Vince Dizon tungkol sa isyu.

''Nainform ko na verbally si Presidente tungkol diyan and I'll have a formal report submitted tomorrow to the Office of the President. Initial findings lang,'' sabi niya.

Matatandaang pinasimulan ni Tiu Laurel ang malawakang pag-audit sa lahat ng proyekto ng mga FMR mula noong 2021. Naka-target na makumpleto ang pag-audit sa katapusan ng taon.

Nauna na niyang ipinaliwanag na tinutukoy at binabalido ng DA ang mga proyekto ng FMR, ngunit kinokomisyon, bini-bid out, at itinatayo ng DPWH. —VBL GMA Integrated News